2 pelikula, 2 eleksiyon kay Ferdinand Marcos Sr.
Alam niyo ba na dalawang pelikula ang ginawa tungkol kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na kapwa ipinalabas bago idaos ang panguluhang halalan noong 1965 at 1969, na pareho niyang sinalihan at pinagwagian.
Senate President pa lang noon at magiging standard bearer ng Nacionalista Party si Marcos para sa 1965 elections nang ipalabas ang pelikulang "Iginuhit ng Tadhana."
Ang batikang aktor na si Luis Gonzales ang gumanap bilang si Marcos, habang si Gloria Romero naman ang gumanap sa papel ni Imelda.
Tinalakay sa pelikula ang pagiging sundalo ni Marcos at pagsisimula niya sa pulitika.
Matapos ang 1965 elections, nanalo si Marcos bilang bagong pangulo, at tinalo niya ang incumbent noon na si Diosdado Macapagal, na kandidato ng Liberal Party.
Sa kaniyang re-election bid bilang pangulo noong 1969 elections, ipinalabas naman ang pelikulang "Pinagbuklod ng Langit," na sumentro ang istorya tungkol sa pag-iibigan nina Marcos at Imelda, at sa kanilang pamilya.
Muling gumanap na Marcos si Gonzales, at si Romero bilang si Imelda. Nadagdag naman sa cast si Vilma Santos bilang si Aimee, at si Gina Alajar bilang si Irene.
Sa direksiyon ni Eddie Garcia, itinanghal na Best Picture sa FAMAS ang pelikula, at naiuwi ni Garcia ang karangalan bilang Best Director.
Muling nanalo sa halalan at nanatiling pangulo si Marcos, at tinalo niya ang pambato ng LP na si Sergio Osmena, Jr. -- FRJ, GMA News