Talumpati ni PNoy, muling binulabog; dati sa Naga city, ngayon naman sa Iloilo
Sa ikalawang pagkakataon ngayong Hunyo, muling binulabog ng demonstrador ang talumpati ni Pangulong Benigno Aquino III. Sa pagkakataong ito, naganap ang pambubulyaw sa Punong Ehekutibo sa Iloilo City nitong Biyernes na itinuturing balwarte ng administrasyon.
Nagtungo si Aquino sa Iloilo city para sa pagpapasinaya ng apat na bagong tulay at road widening at housing projects. Pinasyalan din niya ang itatayong Iloilo convention center.
Pero habang nagtatalumpati si Aquino para sa Avenue Road Widening Project, nasa apat na nagpoprotesta ang biglang sumigaw na nakaagaw ng atensiyon ng pangulo at mga bisita sa okasyon.
Pansamantalang tumigil si Aquino, ngumiti at nagsabing: "Maraming salamat po sa kanila."
Inilayo naman ng mga awtoridad ang mga nag-ingay at ipinagpatuloy ng pangulo ang kaniyang talumpati.
Himig kampanya
Naging kapuna-puna rin na may himig kampanya para sa darating na 2016 presidential elections ang talumpati ni Aquino.
"Kitang-kita na ng mga taga-Iloilo sino ang tunay na magsusulong ng makabuluhan... na pagbabago," pahayag niya sa mga tao sa pagtitipon.
Nasa pagtitipon sa Iloilo sina Interior Sec. Mar Roxas at Senate President Franklin Drilon, na kapwa lider ng Liberal Party (LP).
Sa hiwalay na talumpati ni Aquino sa turnover ceremony ng mga housing unit sa Iloilo, hinikayat nito ang mga tao na piliing mabuti ang mga karapat-dapat na pinuno.
"Baka naman pag-alis ko ng 2016, bumalik tayo sa dati—magre-repeat tayo nung lagim para bumalik sa liwanag. Huwag na ho. Dire-diretso na tayo sa liwanag, di po ba?" panawagan niya.
Dagdag pa niya, "Ito ang magdidikta kung uurong ba tayo pabalik sa dating sistema o susulong sa bansang mas maunlad at maginhawa."
Nitong nakaraang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan, binulabog din ng isang 19-anyos na estudyante ang talumpati ni Aquino sa Naga City.
Nakilala ang estudyante na si Pio Emmanuel Mijares, na inaresto ng mga pulis pero pinalaya rin matapos magpiyansa. -- FRJ, MA News