ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Banta sa seguridad ng Davao City, galing sa isang grupo ng terorista -- PNP


Inihayag ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na galing sa isang grupo ng terorista ang banta sa Davao City na itinawag mismo ni Pangulong Benigno "Noynoy"Aquino III sa alkalde ng lungsod na si Rodrigo Duterte para maging handa at alerto.

Dahil sa naturang babala ni Aquino, inilagay ni Duterte sa heightened-alert ang buong lungsod. (Basahin: Davao City, naka-heightened alert; banta sa seguridad, itinawag ni PNoy kay Duterte)

Sa ginawang panayam ni GMA news anchor Jun Veneracion kay C/Supt. Reuben Sindac, hepe ng PNP-Public Information Office, sinabi ng opisyal na mataas ang integridad at kredibilidad ng nakuhang impormasyon tungkol sa banta sa Davao City.

"Wala namang exactly A-1 (information) but sa level ng credibility and integrity of the information  is very high. In fact it caught the attention of no less than ng ating presidente," paliwanag ni Sindac sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado.



Tumanggi ang opisyal na ibigay ang buong detalye ng banta dahil na rin sa mga isinasagawa umanong security operations ng mga awtoridad sa lungsod.

"Paumanhin niyo na muna 'di natin pwedeng sabihin ang detalye ng banta... yung nga hindi natin pwedeng balewalain ito," paliwanag ni Sindac. "Katulad ng kasabihan, it's better to be safe than sorry. Mas importante po na mag-ingat ang mga kapulisan at gumalaw bago maisakatuparan kung ano ang mga banta na ito."

Ayon pa sa opisyal, bagaman may iba pang lugar sa Mindanao ang lumitaw na may banta rin sa seguridad, sa Davao city umano nakatuon ang atensiyon ng grupong may masamang binabalak.

"Mayroon din sa ibang parte ng Mindanao subalit ito'y impormasyon pa lamang na hindi pa ganung kataas ang level of validity kaya ini-evaluate pa yung ibang bahagi," patuloy niya.

Tiniyak naman ni Sindac na kumikilos ang mga awtoridad sa Davao para mapigilan kung ano man ang masamang plano ng grupo ng terorista.

Kasabay nito, pinayuhan niya ang publiko na huwag mabahala dahil nagsasagawa lang ng pag-iingat ang pamahalaan.

"Huwag po silang mag-alala at mabahala. Maging vigilant enough lang ang take extra precautionary measure pero ang lahat ng bagay po ay manageable pa naman," aniya. -- FRJ, GMA News