ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hepe ng PNP Custodial Center, nasuspinde dahil nalabag ang visiting hours ng 2 senador


Sinuspinde nitong Huwebes ang hepe ng Philippine National Police Custodial Center dahil hindi umano mahigpit na ipinatupad ang panuntunan sa pagbisita kina Senador Jinggoy Estrada at Ramon Bong Revilla Jr. na pansamantalang nakakulong doon.

Ipinag-utos ni Chief Supt. Benito Estipona ng Headquarters Support Service ang pagsibak kay Superintendent Mario Malana dahil sa kapabayaan matapos mabigong paalisin sa takdang oras sa mga detention cell nina Jinggoy at Revilla ang mga bumisitang kamag-anak at kaibigan ng dalawa.

Nauna nang naibalita na noong nakaraang araw ng Linggo nanatili sa loob ng mga selda ang mga bisita ng dalawa kahit lampas na sa itinakdang visiting hours na hanggang alas-3 ng hapon lamang.

"This is a result of the pre-charge investigation which found probable cause in the case of less grave neglect of duty filed against him (Malana)," pahayag ni PNP spokesman Chief Superintendent Reuben Theodore Sindac.

Ipinalit kay Malana si Supt. Peter Limbauan bilang OIC ng PNP Custodial Center, ayon sa ulat ni  Glen Juego ng dzBB.

Inatasan ni Malana na magsumite ng "written explanation" kung bakit pinayagan niya na magdaos ng party hanggang Lunes ng madaling-araw sina Jinggoy at Revilla sa loob ng kani-kanilang mga selda.

Pansamantalang ikinukulong ang dalawang senador dahil umano sa kanilang pagkasangkot sa anomalya sa P10-bilyong pork barrel scam.

Batay sa "visiting rules" ng PNP Custodial Center, tuwing Huwebes at Linggo lamang ang mga araw ng pagdalaw, at mula 9 a.m. hanggang 3 p.m. lamang.

Hindi umano nasiyahan sa paliwanag ni Malana ang board na nag-imbestiga sa insidente, ayon kay Sindac.

Dagdag pa niya, sinabi sa report ng board na nilabag ni Malana ang dalawang panuntunan – una ang 'di pagpatupad sa 9 a.m. hanggang 3 p.m. na oras ng dalaw, at pangalawa ang pagkabigong ipagbigay-alam sa mga nakatataas na awtoridad ang insidente.

Ang kaparusahan umano sa minor neglect of duty ay 30 hanggang 60 araw na suspensyon na walang sahod at allowance.

Ikinulong sina Estrada at Revilla sa PNP Custodial Center mula nang maghain ang Sandiganbayan ng arrest warrant laban sa kanila kaugnay sa mga kasong graft at plunder dahil sa kanilang pagkadawit sa P10-bilyong pork barrel scam. — LBG, GMA News