Panghuhuli at pagbebenta ng shark species, ipagbabawal na
Ipagbabawal na ang panghuhuli, pagbebenta, pagbili, pag-aari, at pag-export ng lahat ng uri ng pating sa bansa.
Sa Senate Bill No. 536 na inihain ni Sen. Loren Legarda, mahigpit na ipagbabawal ang panghuhuli ng anumang species ng pating ng Pilipinas.
Aniya, nanganganib na tuluyang maubos ng shark species natin kung walang batas na ganito at ipagpapatuloy ng ilang indibidwal ang kanilang gawiin.
Paliwanag pa nito, mabagal ang "reproduction" ng pating at makapipinsala sa kabuuan ng marine ecosystem ang pagbaba ng populasyon nito.
“Sharks, as predators of the sea, play a vital role in regulating the ecological balance, particularly the health of important commercial fish species, population balance, and protection of coral reefs. As such, our country plays a crucial role in protecting marine species,” ayon sa senadora.
Reaksyon ito ni Legarda kasunod ng isang ulat na pagkakasamsam noong Hunyo ng isang trak sa Cebu na puno ng karne ng pating (467 kilos), na dadalhin sa isang pagawaan ng fish ball sa Lapu-Lapu City. — Linda Bohol /LBG, GMA News