Isang pamilya sa Antique, ginugulo raw ng masamang espiritu
Binabantayan ng mga awtoridad ang isang bahay sa Fornier, Antique dahil sa hinalang sinapian ng masamang espiritu ang anim na miyembro ng pamilyang nakatira rito.
Sa ulat ni GMA Iloilo stringer Peter Zaldivar nitong Biyernes, sinabi umano ng mga kaanak ng mga "biktima" na posibleng may nagalit na "engkanto" sa pamilya nang putulin nila at gawing uling ang isang puno sa lugar.
Ang pamilya ay kinabibilangan umano ng ina at dalawa nitong anak na babae na may edad 14 at 19.
Sinisigawan din umano ng anim ang "manggagamot" na tumutulong sa kanila para itaboy ang masamang espiritu.
“Ang pamilya na ito, pinasukan ng masamang espirito, mga engkanto na masama, dahil yung puno na ginawa nilang uling, hindi nila alam na bahay pala ito ng mga engkanto,” anang isang residente.
Inirekomenda umano ng "manggagamot" sa kaanak ng pamilya na mag-alay ng itim na baboy sa espiritu para iwan na ang mga "biktima." —FRJ, GMA News