Payatas tragedy, ginunita; mga nakaligtas, hustisya pa rin ang sigaw
Hustisya pa rin ang isinisigaw ng mga nakaligtas at pamilya ng mga naulila sa ika-14 anibersaryo ng trahedya sa Payatas dumpsite na kumitil sa mahigit 200 buhay.
“Mananatiling mailap ang hustiya para sa mga biktima ng trahedya sa Payatas," ani Carlito Badion, national secretary-general ng grupong Kadamay, sa isang pahayag nitong Huwebes.
Mahigit sa 200 mangangalakal ng basura at mga bata ang nasawi sa pagguho ng mala-bundok na basura sa Payatas, Quezon City noong ika-10 ng Hulyo 2000.
Hanggang ngayon, may ilang tao pa rin ang nawawala matapos matabunan ng basura.
“Hindi namin makakamit ang hustisya para sa aming mga kaanak at iba pang maralitang kabilang sa higit 200 maralitang mabaon sa basura kahit ilang administrasyon na ang namuno sa bansa at walang nagawa upang solusyunan ang lumalalang kahirapan sa bansa,” nakasaad sa pahayag.
Sa kanilang paggunita sa malagim na trahedya nitong Huwebes ng umaga, isang misa ang idinaos at nag-alay ang mga naulila at nakaligtas ng mga bulaklak, at nagtirik ng mga kandila sa memorial marker sa trahedya na tinawag na Dambana na nasa paanan mismo ng Payatas.
Makalipas ang 14 na taon, dinidinig pa rin ang kaso ukol sa nasabing trahedya. Sangkot sa kaso ang ilang opisyal ng Quezon City at ang mismong contractor ng dumpsite.
Ang ikinalulungkot umano ng mga maralita, patuloy ang pagpapalawak sa dumpsite, habang ang iba naman sa kanila ay nangangambang tuluyan nang mawalan ng tirahan dahil sa nakaambang demolisyon sa lugar. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News