Pagkatapos ni 'Glenda': Panibagong bagyo, posibleng pumasok sa bansa ngayon linggo
Hindi pa man lubos na nakalalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong "Glenda" (Rammasun), isang tropical cyclone na naman ang binabantayan na posibleng pumasok sa teritoryo ng bansa bago matapos ang linggong ito.
"Mga Kapuso, patuloy po maging 'IM Ready' dahil isa na namang posibleng bagyong inaasahan nating papasok sa PAR bago matapos ang linggong ito," pahayag ni GMA resident meteorologist Nathaniel "Mang Tani" Cruz sa GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules.
Papangalanan umano ang susunod na bagyo bilang "Henry."
Ayon kay Cruz, nasa Pacific Ocean ang bagong tropical depression base sa pagsubaybay ng Japan Meteorological Agency.
Sa hiwalay na ulat ng dzBB radio, sinabing kung patuloy na mabubuo ang bagong bagyo, posible itong makapasok sa PAR sa Biyernes o Sabado.
Sa ngayon, sinabi Cruz na nasa West Philippine Sea na si "Glenda" at tinatahak ang direksiyong patungong China.
Gayunman, ilang bahagi pa rin ng bansa ang makararanas ng pag-ulan tulad ng kanlurang bahagi ng Luzon, gayundin ang Mindanao dahil sa local thunderstorms.
Sa Huwebes, asahan umano ang bahagyang pag-ulan sa Metro Manila na nasa ilalim ng Storm Signal No.1.
Sa ulat naman ng GMA News TV's "SONA" nitong Miyerkules ng gabi, sinabing batay sa report ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC), umabot na sa 20 katao ang nasawi dulot ng bagyong "Glenda." -- FRJ, GMA News