Suporta ng gov't at private sector, hiningi ng Vigan City para sa laban nito sa New7wonders Cities
Matapos makapasok sa Top 21 finalists sa search for New Seven Wonders Cities, pormal nang hiningi ngayon ng lokal na pamahalaan ng Vigan City sa Ilocos Sur ang suporta ng gobyerno at pribadong sektor para makalusot sa Top 14 finalists.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Biyernes, sinabi puspusan na ang kampanya ng Vigan City para ganap na mapabilang sa listahan ng New Seven Wonder Cities na iaanunsyo sa Disyembre.
Pero bago nito, kailangan munang malusutan at makasama ang Vigan sa top 14 finalists na malalaman naman sa darating na Oktubre. (Basahin: Palace drums up support for Vigan in penultimate stage of wonder cities search
Bukod sa suporta ng mga ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor, nagpadala na rin umano ng sulat ang lokal ng pamahalaan ng Vigan sa mga embahada ng Pilipinas sa iba't ibang bansa.
Ang magiging tagumpay umano ng Vigan City ay magdudulot ng malaking karangalan sa bansa at makatutulong din sa industriya ng turismo.
Sa mga nais sumuporta, bisitahin ang website na "new7wonders" o i-text ang "VIGAS" sa 29290777. -- FRJimenez, GMA News