ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Graphic warning sa kaha ng mga sigarilyo, aprubado na ni PNoy


Limang bagong batas ang nilagdaan ni Pangulong Benigno S.C. Aquino III nitong Biyernes kasama na rito ang paglalagay ng graphic warning sa bawat pakete ng sigarilyo.

Sa ilalim ng Republic Act 10643, kalahati sa mga pakete ng sigarilyo ay dapat may imprenta ng mga nakaririmarim na sakit na nakukuha mula sa paninigarilyo.

Sa isang panayam nitong Linggo, sinabi ni Presidential Communication Operations Office Secretary Herminio Coloma Jr. na bukod sa batas na ito, nilagdaan din ng Pangulo ang RA 10641 (An Act Allowing Full Entry of Foreign Banks) na nagpapahintulot sa mga dayuhan na magmay-ari ng mga bangko sa bansa.

Pinirmahan din ng Pangulo ang mga sumusunod na batas:

  • RA 10640 (Act to Further Strengthen the Anti-Drug Campaign of the Government, Amending Section 21 of R.A. 9165, otherwise known as the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002)
  • RA 10642 (An Act Strengthening Consumer Protection in the Purchase of Brand New Motor Vehicles)
  • RA 10644 (An Act Promoting Job Generation and Inclusive Growth Through the Development of Micro, Small, and Medium Enterprises)

Ani Coloma, layon ng mga bagong batas na ito na makatulong sa pagpapalago ng ekonomiya, at mas mapabuti ang kalusugan ng mga Pilipino.

"Maaaninag sa mga bagong batas na ito ang pagpapatuloy ng mga reporma sa larangan ng ekonomiya at kabuhayan, paglikha ng mas marami pang hanapbuhay, at pangangalaga sa kalusugan at kapakanan ng mga mamamayan," paliwanag nito. — Rouchelle R. Dinglasan/BM, GMA News