ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Naglalarong bata, patay matapos madaganan ng malaking bato sa Ilocos Sur


Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang batang lalaki matapos siyang madaganan ng isang malaking bato na tinatayang may bigat na 500 kilo sa San Juan, Ilocos Sur.

Sa ulat ni George Guerrero ng GMA-Ilocos sa GMA GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, sinabing naglalaro ang biktimang si Joseph Aquino, 9-anyos, kasama ang dalawa pang bata malapit sa ginagawang dam sa barangay Barbar nang maganap ang aksidente.



Tinuntungan umano ng mga bata ang malaking tipak ng bato nang bigla itong gumuho. Nakatalon ang dalawang bata pero hindi naman pinalad si Aquino na tuluyang nadaganan.

Dahil sa bigat ng bato, inabot umano ng 30 minuto bago naalis si Aquino sa pagkakaipit at dinala sa ospital pero hindi na siya umabot pa ng buhay.

Pinag-aaralan pa ngayon ng pulisya kung may pananagutan ng namamahala sa ginawang dam.

Ang nadadalamhating pamilya naman ng batang biktima, wala na umanong balak na magsampa pa ng reklamo. -- FRJ, GMA News