ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Iglesia Ni Cristo, nagkamit ng 2 Guinness records sa araw ng sentenaryo


CIUDAD DE VICTORIA, Bulacan — Nakasungkit ng dalawang panibagong world records ang Iglesia Ni Cristo mula sa Guinnes World Records na inanunsyo mismo sa araw ng pagdiriwang ng sentenaryo ng INC.

Inihayag ng adjudicator ng Guinness na nakuha ng Iglesia ang world record na "Largest Gospel Choir" na may 4,774 na miyembro, mas mataas sa 1,700 members ng dating record holder.

Aabot sana sa 10,000 na choir members ang dapat naisama sa bilang ng Guinness kung hindi nahuli ang maraming iban pa sa pagdating dulot ng masikip na daloy ng trapiko sa NLEX.

Ang ikalawang record naman ay ang "Largest Indoor Arena" na may seating capacity na 55,000 katao.

Sa kabuuan, walong Guinnes World Records na ang nakamit ng INC.

Samantala, ang special worship services na idinaos umaga nitong Linggo ay pinangunahan ng INC Executive Minister Bro. Eduardo V. Manalo – ito pinaka-highlight ng pagdiriwang ng sentenaryo.

Kinumpirma naman ng Philippine National Police na naging organisado ang pagtitipon kahit tinatayang tatlong milyong miyembro ng INC mula sa iba’t ibang dako sa loob at labas ng bansa ang dumalo sa centennial celebration.

Dahil sa 55,000 lamang ang seating capacity ng Philippine Arena, naglagay na rin ng mga upuan sa paligid ng gusali at ginamit din ang Philippine Sport Stadium na naglalaman ng may 21,000 katao.

Bago sumapit ang madaling-araw, sinalubong ang sentenaryo INC ng 25-minutong pyromusical display na labis na ikinatuwa ng mga miyembro.

Ayon kay Joel Sta. Ana, presidente ng Platinum Fireworks, gumamit umano siya ng kakaibang paputok na hindi pa nagagamit sa mga naipakitang fireworks display sa buong mundo.

Ito aniya ay maituturing na “one of a kind" in the whole world at maaari aniya itong maging visible hindi lamang sa buong Bulacan, kung saan naroon ang Philippine Arena, kundi sa loob ng 10-kilometer radius o hanggang sa Quezon City sa Metro Manila.  — Linda Bohol /LBG, GMA News