ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Food security ng Pilipinas nanganganib - IBON


Nanganganib ang food security ng Pilipinas kung paniniwalaan ang pag-aaral na ginawa ng isang militanteng think tank na nagiging pangunahing importer na ng bigas ang bansa sa buong Asya. Ayon sa IBON Foundation, nakasaad sa datos ng National Food Authority na mula 1984 hanggang 1994, umaangkat ang Pilipinas 151,588 metric tons (MT) na bigas bawat taon. Patuloy umanong tumaas ang pag-angkat sa mga sumunod pang taon. "From 1995, when the Philippines became a member of the World Trade Organization (WTO) to 2006, rice importation shot up to an annual average of over 1 million metric tons (MT), a 587% increase," ayon sa pahayag ng IBON. Maging ang trade liberalization ay sinasabing nakasama sa mga maliliit na magsasaka na lubhang napapabayaan na umano ng gobyerno. Kabilang sa mga problemang kinakaharap ng mga magsasaka ay ang pagtaas ng halaga sa produksiyon, mababang presyo ng palay, kakulangan ng irigasyon, at pasilidad, maging ang nagpapautang. "It is thus not surprising that rice production has not increased significantly over the past decade," pahayag ng IBON. Sinabi pa ng IBON na kailangang magkaroon ng kolektibong aksiyon ang mga magsasaka at kinauukulang ahensiya para mapreserba ang tradisyunal na kultura sa pagsasaka. Kamakailan lamang ay idinaos ng ibat-ibang grupo ng magsasaka ang Week of Rice Action campaign, kung saan tinalakay nila ang mga usapin sa mga walang lupa na masaka at kontrobersiyal na genetically modified rice o GMO. "Rice is a staple food of Filipinos and the country should have the self-reliance to produce it. Instead of reactive and short-term feeding programs, the government should address the problems of farmers and other food producers in order to increase productivity and ensure the country’s food security," dagdag pa ng IBON. - Fidel Jimenez, GMANews.TV