ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Sino ang ‘mahirap’ sa Pilipinas? Unawain ang datos ng SWS at Census
By EARL VICTOR L. ROSERO, GMA News
Upang hindi maituturing na kabilang sa hanay ng mga "mahihirap," kailangang kumita ang isang pamilya sa Metro Manila ng hindi bababa sa P12,000 hanggang P16,000 buwan-buwan.
Kung dalawang miyembro ng isang pamilya ay kumikita ng parehong minimum wage, lalampas sila sa tinatawag na “poverty threshold” ng Social Weather Stations (SWS).
Itinuturing ng 55 percent ng mga pamilyang Pilipino nitong nakaraang buwan ng Hulyo na sila ay “mahirap,” ayon sa isang survey ng SWS na ang resulta ay inihayag noong Hulyo 28.
Ayon sa ulat ukol sa SWS survey result na inilathala sa Businessworld, 12.1 milyong pamilya umano ang nagsasabing mahirap sila.
SWS survey
Tinanong ang 1,200 na respondents ng survey kung magkano ang “ang pinakamababang gastos ng pamilya sa isang buwan” upang hindi na maituturing na mahirap.
Ang sagot ng 300 respondents sa National Capital Region, P12,000; ang mga hindi taga-NCR (900 respondents) ay nagsabing P10,000. Hindi kasama sa halagang ito ang mga gastos sa pamasahe papunta at pauwi sa trabaho.
Napag-alaman ng survey na ang 55 percent na nagsabing sila'y “mahirap” ay gumagastos ng mula P10,000 hanggang P12,000 kada buwan, pero depende sa kung saan sila nakatira.
Ipagpalagay natin na 100 milyon ang mga Pilipino noong Hunyo bagamat nitong July 27 lang naging 100 milyon ang populasyon ng bansa ayon sa mga eksperto sa statistics ng pamahalaan.
Ang mga “mahirap” pala sa Pilipinas ay halos 55 milyon at hindi pa umaabot sa P10,000 – P12,000 ang kanilang kita noong Hunyo.
Ayon pa rin sa mga datos ng SWS, hindi pala P10,000 – P12,000 palagi ang “poverty threshold” kasi nagbabago pala ito.
Mula noong 2012 ang SWS poverty threshold pala ay nasa P16,000 tuwing buwan ng Marso, Mayo, Agosto, at Setyembre habang bumababa ang poverty threshold tuwing Hunyo at Disyembre sa lebel ng P12,000.
Mas matinding nararamdaman ang kahirapan tuwing Marso, Mayo, Agosto, at Setyembre kasi mas mataas ang poverty threshold sa mga buwan na ito. Hindi naman masyado pero mahirap pa rin tuwing Hunyo at Disyembre.
Sa paningin ng gobyerno
Sa paningin ng gobyerno
Tingnan naman natin ngayon ang mga statistics ng gobyerno.
Dalawang set ito. Ang una ay ang poverty threshold computation ng National Economic and Development Authority (NEDA). Ang ikalawa ay ang mga resulta ng Family Income and Expenditure Survey (FIES) ng NSO.
Ayon sa NEDA, 25.2 percent ng buong populasyon ng Pilipinas ang dukha o below the poverty line or threshold. Ngunit kung pamilya ang bibilangin, 19.7 percent umano ang dukhang pamilya.
P7,890 kada buwan kada pamilya ang poverty threshold ng gobyerno sa 2012. Mas mababa talaga ito sa P12,000 - P16,000 ng SWS surveys.
Ang food poverty threshold ng gobyerno ay P5,513 habang ang sa SWS ay P6,000 sa NCR, P5,000 sa Luzon at Visayas, at P4,500 sa Mindanao. Mas mababa kasi ng ang presyo ng pagkain sa pamilihan sa probinsiya kaysa sa Metro Manila.
Kung hindi pa niyo nababalitaan, pinagsanib na sa iisang ahensiya, ang Philippine Statistics Authority (PSA) ang ilang mga sangay ng gobyerno na statistics ang pinagkakaabalahan. Kabilang na dito ang Census o National Statistics Office (NSO).
Kung pagbabatayan natin ang poverty threshold sa SWS survey, ang kita dapat sana ng isang pamilya sa isang taon ay P144,000 – P192,000 para hindi na maging “mahirap.”
Ayon sa datos ng 2012 FIES, 6.133 milyong pamilyang Pilipino ang hindi aabot sa P100,000 ang kita sa isang taon.
Income class
Lima ang “income classes” ng Pilipinas sa paningin ng PSA.
Ang mga pinakamahirap ay iyong 'di pa aabot sa P40,000 ang kita ng pamilya sa isang buong taon (P3,333 kada buwan). Mga dukha talaga sila.
Ang mga susunod paitaas ay iyong P40,000 – P59,999 sa isang taon at P 60,000 – P99,999 sa isang taon.
Ngunit biglang lahat ng P100,000 – P249,999 ay pinagsama-sama na sa iisang income class. Medyo malaki ang agwat na ito. Ito marahil ang itinuturing ng gobyerno na middle class? (9.065 milyong pamilya umano ang kabilang sa hanay na ito).
Ilang porsiyento kaya ng malaking grupong ito ang mas mababa sa P120,000 – P192,000 ang kita kada taon?
Itong grupo na P144,000 – P192,000, ang kita marahil ay ang lower middle class ng ating bansa.
Ipagpalagay natin sa pagkakataong ito na kalahati sa 9.065 milyong pamilya sa “middle class” ng NSO ay lower middle class na ang kita ay P144,000 – P192,000. Lumalabas na 4.5325 milyong pamilya iyan.
Pagsamahin natin ang 6.133 at 4.5325 at ang suma ay 10.67 milyong pamilya ang “mahirap” sa self-rated poverty level ng SWS survey. Hindi na malayo ito sa 12.1 milyon na tantya ng SWS at Businessworld.
Para maabot natin ang 12.1 milyon, tantya natin na maaring 60 percent pala ng “middle class" ng NSO ay mga mahirap pa rin ng SWS nasa P144,000 – P192,000 ang kita kada taon.
Yaon namang lampas P250,000 ang kita sa isang taon ay ang ika-lima at pinakamataas na income class sa paningin ng NSO.
Ikaw ba ay mahirap, middle class, o mayaman?
P250,000 lang ang kita sa isang buong taon (P20,083 sa isang buwan) mayaman na ang turing?
Ikaw ba ay mahirap, middle class, o mayaman?
P250,000 lang ang kita sa isang buong taon (P20,083 sa isang buwan) mayaman na ang turing?
Mayaman na pala iyong ibang nagtatrabaho sa call center na lumalampas sa P20,000 ang sueldo kada buwan. Kung sila kaya ang tatanungin, mayaman ba ang turing nila sa kanilang sarili? Maaaring hindi mahirap, pero hindi rin naman mayaman.
Samantala, sa SWS surveys, hanggat hindi umaabot sa P16,000 ang buwanang kita, “mahirap” ka pa rin?
At sa paningin naman ng NEDA, dukha ka talaga kapag mas mababa sa P7,890 kada buwan.
Iba naman ang pananaw ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na mayroong bracketing ang computation ng income tax due. — LBG, GMA News
Iba naman ang pananaw ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na mayroong bracketing ang computation ng income tax due. — LBG, GMA News
More Videos
Most Popular