Bagong silang na sanggol, iniwan sa ibabaw ng kotse at hinayaang maulanan
Maaatim mo bang iwan sa ibabaw ng kotse at maulanan ang isang bagong silang na sanggol? Ganito ang sinapit ng isang inosenteng anghel na nakitang nakabalot sa tela at sa ibabaw ng isang nakaparadang kotse sa labas ng simbahan sa Taguig City. Nabinyagan ang sanggol na pinangalanang Natalie bago siya bawian ng buhay.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang kumalat na larawan sa internet ng isang sanggol na nakabalot sa tela habang nasa ibabaw ng hood ng sasakyan.
Ang mga larawan ay kuha raw ni Hamilton Blanzaay, may-ari ng kotse, nitong Linggo ng gabi dakong 9:00 p.m.
Bagong silang daw ang sanggol na tinatayang nasa limang buwan pa lang nang iluwal ng hindi pa nakikilalang ina.
Ayon kay Blanza, kalalabas lang niya sa simbahan noong Linggo ng gabi habang umaambon nang mapansin ang nakapatong na tela sa hood ng kaniyang sasakyan.
Nang lapitan niya ito, laking gulat niya nang makita ang sanggol na buhay pa umano nang mga sandaling iyon.
"Nung nilapitan ko nakita ko bata, 'yon napasigaw po ako...medyo napamura po ako tinawag ko agad yung guard...yung bunganga niya po gumalaw, tapos humihinga pa," kuwento ni Blanza.
May kalakip pa raw na sulat ang sanggol pero walang nakasaad kung sino ang gumawa nito.
Gayunman, nakalagay sa sulat na humihingi ito ng tawad sa Diyos sa kaniyang ginawa sa bata.
Hiling din ng sumulat na pangalanan ang sanggol bilang "Natalie."
Agad daw nilang na ipinaalam sa barangay ang nakitang sanggol at nagpatawag ng ambulansya para madala ang bata sa ospital.
Pero habang hinihintay ang ambulansiya, pinabinyagan na nila ang sanggol sa pari sa simbahan.
Ilang sandali makaraang makarating sa ospital ang sanggol, binawian na ito ng buhay.
Ang pamilya na ni Blanza ang nagpalibing sa bata, na nanlulumo umano sa sinapit ng sanggol.
Ipinaliwanag din nito na kaya niya ipinost sa Facebook ang mga larawan ng sanggol dahil maliban sa awa, galit ang kaniyang nararamdaman sa taong nag-iwan sa bata. -- FRJimenez, GMA News