ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga maawaing motorista, pinag-iingat vs 'Gagamba Boys'; Jessica Soho, nabiktima rin ng grupo


Nagbabala ang mga awtoridad sa mga motoristang maawain at nagbibigay ng limos sa mga batang nakaistambay sa kalye, partikular na sa mga tinatawag na "Gagamboys" sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Road sa Pasay City.
 
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News TV's "State of the Nation" nitong Miyerkules ng gabi, sinabi nito na napapadalas ang mga naiuulat na pag-atake ng mga "Gagamba Boys o Gagamboys" sa mga motoristang dumadaan sa NAIA Road.

Batay umano sa kuwento ng ilang netizens, sinasamtala ng mga istambay sa kalye ang mabigat na daloy ng trapiko sa lugar para makapambiktima ng motorista.

Ang ilan, kunwaring lilinisin ang salamin ng sasakyan at saka hihingi ng pera sa drayber nito.



Kapag maliit na halaga ang ibinigay, nagbabanta umano ang mga ito na may gagawin na hindi maganda sa sasakyan kung hindi lalakihan ang perang ibibigay.

Kuwento ni Ralph Fernandez na nabiktima ng grupo: "Pagdating sa stoplight, naabutan namin stop. Nang nahinto kami may lumapit isang lalaki at naghihingi ng limos. Binigyan ko ng limos, naawa ako. Wala na akong maibigay, 'yan lang barya ko. Ang mga kasamahan niya sumakay sa stepboard, sumampa. Lima sila."
 
Ayon kay Ralph, pinutol ng grupo ang wiper ng kaniyang sasakyan nang wala na siyang maibigay na pera.
 
May pagkakataon din umano na ibinabato ng "gagamboy" sa motorista ang ibinigay nitong barya kapag hindi nasiyahan sa halaga.
 
Hinihinala naman ng pulisya na ang hindi magandang pag-uugali ng mga batang kalye ay posibleng dulot ng pagiging lango sa iligal na droga.
 
Nagdagdag na rin umano ng mga pulis sa lugar para maprotektahan ang mga motorista at mahuli ang mga "gagamboys."
 
Inilahad naman ni Jessica Soho, news anchor ng programa, na siya man ay naging biktima ng "Gagamba Boys."
 
"May pupunas-punas sa sasakyan, tapos siyempre maaawa ka, bibigyan mo ng kung anong barya na madampot mo o kaunting halaga na maibibigay mo. Bubuksan mo ang bintana ng auto. Hindi mo na maisara kasi nakaipit ang kamay niya. Tapos ayaw nila ng barya, maliit na halaga. Sasabihin dollar na lang daw ang ibigay pambili ng kilo ng bigas," ani Jessica.
 
Dagdag pa niya, hindi naman makausad ang kaniyang sasakyan habang nakasabit ang mga batang kalye dahil posibleng iisipin ng ibang motorista na wala siyang puso.

"Hindi ka nila titigilan hangga't hindi mo sila bigyan ng malaking halaga o dollar," ayon sa news anchor.  -- FRJ, GMA News