ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga dagang bukid, hinuhuli ng mga magsasaka sa Nueva Ecija para kainin


Kung peste para sa mga residente ng Olongapo City ang mga daga dahil nagdudulot ito ng nakamamatay na sakit na leptospirosis, ang ilang residente naman sa Nueva Ecija, biyaya ang tingin sa mga daga sa bukid na ginagawa nilang pang-ulam sa kanilang hapag-kainan.

Sa ulat ni Mike Sabado sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing hindi lang pagtatanim ng palay ang pinagkakaabalahan ng ilang magsasaka sa Cabiao, Nueva Ecija.

Ang iba sa kanila, nanghuhuli ng daga na kanilang uulamin o ibebenta.

Ang magsasaka na si Arnold Torres, matagal na raw kumakain ng dagang bukid pero wala pa naman daw nagkakasakit sa kanila.

Katunayan, inilarawan pa niya na mas masarap pa sa karne ng manok ang karne ng daga.



Masusi naman daw nilang nililinis at niluluto ang mga daga.

Si Ed Adona, naniniwala pa na nakagagamot ng ilang sakit sa balat ang pagkain ng daga tulad ng galis.

Ang sobrang daga na kanilang nahuhuli, naibebenta raw nila ng P60 bawat kilo.

Sa hirap ng buhay, malaking tulong na raw ito para madagdagan ang kanilang kita.

Ang mga daga (sa pamamagitan ng ihi na nahalo sa tubig) ang pinagmumulan ng nakamamatay na sakit na leptospirosis.

Kaya naman ang lokal na pamahalaan ng Olongapo City, binabayaran ng P10 ang bawat daga na mahuhuli ng kanilang mga kababayan.

Ginawa ito ng mga lokal na opisyal ng Olongapo dahil tumaas ang kaso ng leptospirosis sa kanilang lungsod.

Si Dr. Benjamin Lopez, health officer ng Nueva Ecija, wala naman nakikitang masama sa pagkain ng karne ng daga na nahuhuli sa bukid.

Pero payo niya, maging maingat pa rin sa pagkain nito.

Makabubuting obserbahan daw ang mga nahuhuling dagang bukid dahil baka may sakit ito at maipasa sa tao kapag kinain.

Sa ngayon, mababa naman daw ang naitatalang kaso ng leptospirosis sa Nueva Ecija. -- FRJ, GMA News

Tags: dagangbukid, rats