ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

May silbi pa ba ang mga makalumang salitang Filipino sa modernong panahon ngayon?


Ngayong Buwan ng Wika, balikan natin ang ilang salitang Filipino na tila nabaon na sa limot ng mga Pinoy. May alam ka bang luma nating salita na hindi mo na nadidinig sa ating mga kabababayan?

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, ilang naglalakad sa kalye ang sinubukan ng GMA News kung batid nila ang kahulugan ng ilang lumang salita.

Gaya na lang ng "sanghir" at "bagalin."

Pawang hindi nasagot ng tama ang kahulugan ng dalawang salita, na ang ibig sabihin ng sanghir ay "amoy kilikili," at ang bagalin naman ay "matabang lalaki."

Wala ring nakatama sa kahulugan ng salakat na ang kahulugan ay "pag-krus ng binti," at ang halagap ay ang namumuong dumi pag nagpapakulo ng karne.



Pero huwag mag-alala dahil sa panahong ito, dumadami na ang ika nga'y "binabalinguyngoy" (pagdugo ng ilong) kapag nakadidinig ng mga malalim na salita na ginagamit noong panahon pa ng ating mga ninuno.

Pero bakit nga ba tila naluluma o nababaon na sa limot ang iba nating salita?

Paliwanag ng isang propesor sa wikang Filipino, puwedeng nagkakaroon ng variant o ibang katumbas na salita ang mga ito sa paglipas ng panahon.

At depende sa konteksto, posible rin daw na magbago ang gamit ng mga ito sa diskurso.

"Kapag kasi ang isang wika ay wala nang mananalita o taong gumagamit nito, mamamatay talaga kasi hindi na umuunlad, nagbabago, kaya ang tendensiya ay mawala at mamatay," ani Prof. April Perez.

Gayunman, may ilan pa rin na naniniwala na hindi dapat kalimutan ang mga lumang salita kahit pa sinasabing moderno na ang panahon ngayon.

Gaya ni Narwin Gonzales, na kahit noong bata pa raw ay mahilig nang magsaliksik ng mga lumang salita Filipino at ginagamit niya sa pagsusulat at pakikipagtalastasan.

Ilan sa mga halimbawa ng kaniyang sinaunang salitang Pinoy ay ang:

Salagimsim: Matinding salagimsim ang dulot sa'kin ng pag-iisip na balang araw ay iiwan niya kami.

Biloy: "Pinagaganda siyang lalo ng mga biloy niya.

Haraya: Hindi pumasok kahit minsan/kahit haraya na makukuha ko ang kapnayan at sipnayan kahapon nang umaga.

Antipara: Hindi naman ako suplado. wala lang akong suot na antipara kaya hindi ko siya nakita.

Malaking tulong raw ang pagiging dalubhasa niya sa malalalim na salitang Pinoy sa kanyang kursong Araling Pilipino.

Kaya naman kasabay ng modernong panahon, mahalagang aral daw na balikan at muling gamitin ang mga salitang 'di na bukambibig ngayon para manatiling buhay ang wikang nag-uugnay sa ating mga Pilipino.

"Ang wika ay nagbabago 'yan. Sabi nga dinamiko o may ebolusyon ngunit masasabi natin lalo na sa kabataan na huwag sanang talikuran ang sariling wika natin," paalala ni Prof. Perez.

Ikaw, may alam ka bang lumang salita natin? -- FRJimenez, GMA News

Tags: talakayan