Luy, umaming nakatanggap ng aabot sa P4-M kickback mula ‘pork’ scam
Umamin ang whistleblower na si Benhur Luy nitong Huwebes na maging siya ay tumanggap ng kickback o tongpats mula sa pork barrel scam na pinangunahan umano ni Janet Lim-Napoles, ang itinuturong utak ng anomalya.
"'Pag inipon, mga P3 hanggang P4 milyon net 'yung natanggap kong commission from 2004 to 2012," ani Luy sa kanyang testimonya sa Sandiganbayan First Division.
Si Luy ay ang presidente ng non-government organization na Social Development Program for Farmers Foundation Inc. na pag-aari umano ni Napoles. Isa umano ito sa mga NGO na ginamit upang maipatupad ang pork barrel scam.
Si Luy din ang unang naglahad sa publiko ukol sa P10-bilyong pork barrel scam.
"Wala kaming kita talaga [as president of NGOs] kasi foundation in Madame Janet Lim-Napoles 'yun. Dapat 1.5 percent ang mapupunta sa NGO, 1 percent sa president, tapos 0.5 percent sa incorporators. Pero 'yung 1 percent, verbal lang 'yun, hindi naman natutupad," ayon kay Luy.
Dagdag pa niya, hindi rin sila nabibigyan ng tamang komisyon ni Napoles kung mainit ang ulo nito.
"Minsan...nagagalit-galitan siya, para 'di na kami bigyan ng komisyon. 'Di naman 'yun nasusunod, 'yung 1 percent. Halimbawa kung P250,000 dapat 'yung sa akin, [usually] P30,000 or P50,000 lang binibigay niya, nalalakihan pa siya. 'Yung remaining [of the commissions,] sa kaniya na 'yun," aniya.
Si Luy ang unang testigo na hingian ng prosekusyon ng testimonya kaugnay sa mga kasong kinakaharap nina Napoles, Senator Ramon Bong Revilla Jr., at ng kawani nitong si Atty. Richard Cambe.
Humaharap sa patung-patong na kaso ng plunder o pandarambong at graft sina Napoles, Revilla, at Cambe kaugnay sa pork barrel scam.
Kasalukuyang nakapiit sa PNP Custodial Center sa Camp Crame sina Revilla at Cambe, samantalang nasa Camp Bagong Diwa naman sa Taguig City si Napoles.
Samantala, kahit hindi naman umano tama ang pagbibigay ng komisyon ni Napoles kay Luy, wala naman umanong sama ng loob ang huli.
"'Di naman ako galit, 'di naman ako pwedeng mag-demand, empleyado naman kami at pinsan ko siya. Sumusweldo naman kami, at grateful naman ako, kasi pinatira niya ako sa condo niya. Tapos 'yung isang kotseng binili ng JLN Corporation, sa akin assigned," aniya.
"Bale kung mayroon, salamat. Kung wala, okay lang," dagdag nito.
Nang magsimula umanong magtrabaho si Luy sa tinagurang pork scam queen tumatanggap lamang siya ng P8,000 kada buwan. — Rouchelle R. Dinglasan /LBG, GMA News