Pacquiao, idinulog sa SC ang kanyang P3-B tax case — tax appeals court
Nais ni Filipino boxing idol Manny Pacquiao na ipahinto ng Korte Suprema ang kautusan ng Court of Tax Appeals (CTA) na kailangan niyang maglagak ng P3.2-billion cash bond o 'di kaya'y P4.9-billion surety bond para sa P3.289-billion tax evasion case na isinampa ng Bureau of Internal Revenue laban sa kanya.
Batay sa records ng tax court, si Pacquiao at ang asawa nitong si Jinkee ay dumulog sa Supreme Court (SC) sa pamamagitan ng isang "petition for certiorari with urgent application for the issuance of a status quo ante order/TRO and/or writ of preliminary injunction."
Ayon sa record, inihain ng mga Pacquiao ang kanilang petisyon sa SC noong July 24, ngunit nitong Agosto lamang umano natanggap ng CTA ang kopya ng petisyon.
Ngunit ikukumpirma pa umano ng SC Public Information Office kung totoo ngang nag-file ng petisyon ang mga Pacquiao.
Kinasuhan ng BIR si Pacquaio, na kasalukuyang kinatawan ng Sarangani sa Kamara, dahil umano sa bilyun-bilyong pisong "deficiency income and value-added tax" liabilities nito mula 2008 hanggang 2009.
Lomobo na umano ang tax liability ni Pacquaio sa P3.289-billion, kasama na ang penalties at surcharges, mula sa orihinal na halagang P2.2 billion.
Naghain ng petisyon noong August 1, 2013, si Pacquiao ng "petition for review" for the reduction of, and the return of any excess, filing fees assessed and paid in the instant case" dahil walang umanong basehan ang mga ito.
Matapos nito, naghain din ang mag-asawang Pacquiao noong October 18 ng "urgent motion to lift the warrants of distraint and levy and garnishment" laban sa kanilang mga ari-arian at harangin ang BIR sa pangongolekta ng buwis sa kanila.
Noong Abril, sinabihan ng tax court ang BIR na tanggalin na ang "garnishment order" sa mga ari-arian ng mga Pacquiao.
Ngunit, inutusan din ng tax court ang mag-asawa na magdeposito ng cash bond na mahigit P3.2 billion, o kaya'y mag-file sila ng P4.9-billion surety bond.
Hiniling din ng mga Pacquiao sa CTA na i-reconsider ang desisyon nito at ibaba ang halaga ng bond na hiniling sa kanila.
Ngunit hindi umano nagpatinag ang tax court kaya napilitan ang mag-asawang dumulog sa Korte Suprema. — LBG, GMA News