ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Presyo ng mga bilihin, maaaring tumaas dahil sa pagsisikip sa mga pantalan ng Maynila
Nagbabadyang tumaas muli ang presyo ng ilang mga pangunahing bilihin kapag patuloy ang problema sa pagsisikip sa pantalan ng Maynila, ayon kay Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Stephen Cua.
Sa isang panayam sa "Unang Hirit" ng GMA News nitong Biyernes, inihayag ni Cua na maaari pang tumagal ng ilang buwan bago masolusyunan ang pagsisikip sa pantalan.
Dagdag niya, maaari ring mawalan ng ilang produkto sa mga tindahan.
"Hindi natin alam anong item at kung kailan pero seems likely kung' di ma free up ang ports, may produkto na mawawala sa shelf or magtaas ng presyo. Hopefully di naman lahat sabay sabay," aniya.
Samantala, hindi pa matukoy ni Cua kung ilang porsyento ang pagtaas ng mga bilihin.
"Manufacturer makakaalam kung ilang porsyento pero a lot of ingredient at raw material, imported. Almost all the item that we have, imported," ani Cua.
Noong nakaraang linggo, inihayag ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) chairman and director Roberto Garcia na handang tumanggap ang port of Subic ng 7,000 cortainer vans na nagpapasikip sa mga pantalan sa Maynila.
"Para makatulong naman sa mga negosyante namin dito sa Subic at Central Luzon, sabi namin, bakit hindi kaya gamitin muna ang aming container port bilang storage area dahil under-utilized po ang container port namin at kasyang-kasya ang 7,000 container vans dito," ani Garcia. — Amanda Fernandez/JDS, GMA News
Tags: portcongestion, manilaports
More Videos
Most Popular