ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bangkay ng babaeng brutal na pinaslang, natagpuan sa madamong lugar sa Pampanga


Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 11-anyos na estudyanteng babae na sumama sa field trip pero hindi na nakauwing buhay makaraang matagpuan ang kaniyang bangkay sa isang madamong lugar sa Candaba, Pampanga.

Sa ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Martes, sinabing pauwi na mula sa field trip ang biktimang si Rochelle Ingal nang makita ang duguan nitong bangkay sa madamong bahagi ng Barangay Barit.

Basag umano ang ulo ng biktima na hinihinalang pinukpok ng bato ng salarin. May nakatusok pa umanong sanga ng puno sa mukha nito.



Hinala ng kaniyang pamilya, tinangkang gahasain ang biktima pero pinatay ng suspek nang manlaban.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang suspek.

Nanawagan naman sa suspek ang ina ng biktima na sumuko at panagutan ang ginawang krimen.

Kamakailan lang, natagpuan din sa madamong bahagi ng Calumpit, Bulacan, na kalapit lalawigan ng Pampanga, ang bangkay ni Anria Espiritu, 26-anyos.
 

 
Tatlong suspek ang dinakip ng mga pulis kaugnay ng pagpatay at paghalay kay Espiritu, kabilang ang isang jeepney drayber na umano'y nasakyan ng biktima bago ito natagpuang patay. -- FRJ, GMA News
Tags: rapeslay, crime