Dumalaw din sa burol: Suspek sa brutal na pagpatay sa dalagita sa Pampanga, kaanak ng biktima
Gaya ng kaso sa rape-slay sa Calumpit, Bulacan, dumalaw din sa burol ng 11-anyos na estudyanteng babae ang suspek sa brutal na pagpatay sa biktima sa Candaba, Pampanga. Ang suspek, tiyuhin mismo ng dalagita na natagpuan sa damuhan na basag ang bungo.
Sa ulat ng GMA news "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing nakakulong ngayon sa Candaba Municipal Police Station ang suspek na si Jovany Tirado Endrino, tiyuhin mismo ng biktimang si Rochelle Ingal.
Nakita ang bangkay ni Ingal, Grade 8 student, sa isang damuhan malapit sa patubigan ng barangay Barit noong nakaraang Biyernes.
Ayon sa ulat, nagpunta sa burol ng bata ang suspek at doon na siya inaresto ng mga pulis.
Hindi na siya nanlaban sa mga awtoridad nang dakpin.
Pahayag ni Endrino, matinding galit sa ama ng bata ang nagtulak sa kaniya para magawa ang brutal na krimen.
Nagdilim daw ang kaniyang paningin nang makita niya ang bata noong Biyernes ng gabi kaya niya ito binugbog hanggang sa mapatay.
Dagdag ng suspek, ang ama ng bata ang kaniyang nasa isip habang ginagawa ang pambubogbog sa biktima.
Nahimasmasan lang siya nang bumitiw na ang bata sa pagkakapit sa kaniyang dibdib dahil wala na itong buhay.
Sa kabila ng malagim na sinapit ng anak, nagpapasalamat na rin ang ina ng biktima dahil mabibigyan ng hustisya ang kaniyang anak.
Gayunman, hirap pa rin silang matanggap na mismong kamag-anak nila ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen. -- FRJ, GMA News