ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Makati City Parking building, kapresyo umano ng mga luxury condominium
Tila kasinghalaga umano ng luxury condominium ang presyo ng pagpapatayo ng P2.7-bilyong Makati City parking building, ayon sa isang abugado.
Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee nitong Miyerkules, inihalintulad ng abugadong si Renato Bondal ang 11-palapag na Makati City Parking building sa ilang luxury condominium sa lungsod, ayon sa ulat ng "24 Oras" ng GMA News.
Ayon kay Bondal, ang Greenbelt Residences na mayroong 57 palapag ay nagkakahalaga lamang ng P2.8 billion, habang ang Shang Grand Tower naman na may 46 palapag ay nagkakahalaga ng P2 billion.
Kinuwestiyon ni Bondal ang malaking halaga ng Makati City Parking building na mayroon lamang 11 palapag, ayon sa ulat.
Subalit, iginiit ng kampo ni Makati Mayor Erwin "JunJun" Binay na kaya lamang umabot sa halagang iyon ang gusali ay dahil sa dekalidad na materyales ang ginamit sa pagpapatayo nito, ayon sa ulat.
"Itong lugar na ito kasi malambot ang lupa, so ang pundasyon mo ay hindi ordinaryong pundasyon, dapat mas malalim, mas matibay 'yung foundation na ginamit," dagdag ni Joey Salgado, tagapagsalita ng Makati City Hall.
Samantala, inihayag naman ni Binay na bukas ang gusali para sa mga nais suriin ito, dagdag ng ulat.
"It's a public building, we cannot stop them from checking the area so bukas naman iyon. Sabi nga namin, kung gusto nilang tignan so they can access properly, pwede nilang tignan iyon," aniya.
Naghain si Bondal ng reklamo sa Office of the Ombudsman noong nakaraang buwan laban kay Binay at iba pa para sa umano'y mahal na pagpapatayo ng bagong Makati City Parking building sa F. Zobel St. sa Poblacion noong 2007.
Si Bondal ay ang natalong kalaban ni Binay sa pagkamayor noong eleksyon 2013. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular