Solon, nais ipakulong ang mga sabit sa palpak na NorthRail project
Iginiit ng isang senador na dapat ipakulong na ng gobyerno ang mga responsible sa naunsiyaming NorthRail project dahil patuloy na lumalaki ang utang ng bansa mula sa $50 milyong outstanding loan nito na ngayo’y nasa $180 milyon na.
Sa 2015 budget briefing ng Senate committee on finance noong Miyerkules, ginisa ni Senador Chiz Escudero, chairman ng komite, si Finance Sec. Cesar Purisima.
“We are paying so much for something we did not continue, that the Filipino people did not benefit from. Someone should pay for it, someone should go to jail and land in jail for this particular fiasco. The taxpayers are the ones paying this now,” giit ng solon sa kalihim.
Aminado naman ang kalihim na wala siyang alam sa pinakahuling imbestigasyon kaugnay sa NorthRail project kundi ang financial aspect lamang ng nito.
Ipinasusumite ni Escudero sa kalihim sa susunod na budget hearing ng komite lahat ng updates ukol sa legal efforts na papanagutin ang dapat na managot sa anomalya.
Ang NorthRail project ay ang 80-kilometrong railroad na mag-uugnay sa Caloocan City sa Metro Manila at Clark sa Pampanga.
Ito ay kinuntratang proyekto sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo noong 2003 sa China National Machinery and Equipment Corporation (CNMEC) na nagkakahalaga ng $421 milyon.
Noong 2009, dinagdagan ng CNMEC ang contract price nito sa $593 milyon at pumayag ang gobyerno na balikatin nito ang kakulangan.
Ipinatigil naman ng Aquino administration noong 2011 ang proyekto matapos na mabatid na napalilibutan ito ng ng mga alegasyon ng korapsyon. — Linda Bohol /LBG, GMA News