Ginamitan daw ng plais: Lalaking nagpabunot ng ngipin sa espiritista, namatay sa impeksiyon
Buhay ang naging kapalit ng pagpapabunot ng limang ngipin ng isang 28-anyos na lalaki sa Negros Occidental. Sa halip kasi na sa dentista lumapit ang biktima, sa espiritista siya nagpunta.
Sa ulat ni Erwin Nicavera ng GMA Bacolod, sinabing desidido ang mga kaanak ng nasawing Jerry Aguirre na ituloy ang demanda laban sa "faith healer" na si Diosdado Mahilum.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagpabunot ng mga ngipin si Aguirre kay Mahilum noong Agosto 1 para magpabunot ng ngipin.
Nitong Agosto 19, nakita na lamang ng mga kaanak na wala nang buhay ang biktima.
"Nang buhatin ko ang ulo niya, marami nang dugo rito, kulay violet na siya," kuwento ng kapatid nito na si Joena dela Cruz.
Sa death certificate ng biktima, lumitaw na namatay si Aguirre sa "septic embolism, secondary to dental foci" – o impeksiyon.
Ayon sa mga kaanak, sinabi umano sa kanila ni Aguirre na binunot ni Mahilum ang kaniyang mga ngipin gamit ang "plais" [plier] matapos siyang lagyan ng anesthesia.
Inusisa pa rin ng biktima ang suspek kung nalinis o na-sterilized ang mga ginamit sa kaniya.
Bagaman tumangging humarap sa camera, inamin ni Mahilum ang ginawang pagbunot sa nginpin ni Aguirre. Pero ang biktima raw ang nakiusap na tanggalin ang mga ngipin nito.
Itinanggi rin ni Mahilum na gumamit siya ng anesthesia at plais.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Bacolod City Health Office Dr. Luningning Esmores ang publiko na sa mga duktor lumapit kahit may problema sa kanilang kalusugan.—FRJ, GMA News