Pagkalap ng lagda para sa people’s initiative vs. ‘pork,’ umarangkada sa Cebu
Umarangkada nitong Sabado ng umaga sa Cebu City ang signature campaign para sa people's initiative laban sa pork barrel system na inilarawan sa People's Congress na systematic form of corruption sa pamahalaan.
Sa ulat ni RGMA Cebu's Orchids Lapingcao sa dzBB radio, sinabing nagtipon-tipon ang mga tagasuporta sa nabanggit na hakbangin ng People's Congress sa Mariner's Court sa Cebu City,
Idinagdag sa ulat na pagkatapos ng aktibidad ay magsasagawa ng protesta ang mga kontra sa pork barrel sa Plaza Independencia sa Cebu City.
Tinatayang 10,000 lagda ang inaasahang makakalap sa nabanggit na pagtitipon.
Sa mga larawan naman na inilagay ni GMA News' Joseph Morong sa kaniyang Twitter account, makikita na kabilang ang mga madre sa mga namamahala sa registration booth ng People's Congress.
Sa hiwalay na ulat sa GMA news TV's "Balitanghali," sinabing ang pagtitipon ay nilahukan ng iba't ibang sektor na nanggaling sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Nagkakaisa umano ang mga lumahok na labanan pork barrel system na isinalarawan nilang systematic form of corruption ng pamahalaan.
Sa kaniyang talumpati, pinasalamatan ni Cebu Archbishop Jose Palma ang Korte Suprema sa pagdeklarang unconstitutional ng ilang bahagi ng disbursement acceleration program o DAP.
Iginiit din ng Arsobispo na ang pagbuwag sa pork barrel system ay laban umano ng mga mamamayan.
Nagpadala rin ng mensahe ang pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines para i-endorso ang People's Initiative.
Sa Malacañang, sinabi naman ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, na may "particular refinements" na kailangan sa naturang hakbang sa pagkalap ng mga lagda.
"May mga particular refinements diyan sa pagkalap ng six million signatures. Kailangan may certain number makuha overall at minimum number of voters in all districts," paliwanag ng opisyal sa panayam ng dzRB radio.
Sa ilalim ng Republic Act 6735, the people’s initiative law, dapat nasa 10 porsiyento ng kabuuang bilang ng botante– at tatlong porsiyento sa bawat legislative district ang kailangan para sa nasabing hakbang. — FRJ, GMA News