ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ang pagsabay sa uso ng wikang Filipino


May mga salitang naibaon na sa limot, may 'di na mauunawaan ng karamihan, may umuusbong, may bumabalik ngunit may iba nang pakahulugan.
 
Gaya ng mga gamit sa katawan, sumasabay din daw sa uso ang wikang Filipino. At kahit nagkakaroon ng mga pagbabago sa ating wika, patuloy nitong pinag-uugnay ang mga Pinoy kahit saan man at kahit ano man ang kanilang katayuan.



Sa pag-usbong ng modernong teknolohiya at mga bagong paraan ng komunikasyon tulad ng text messaging at social media, hindi maiiwasan na may mga sinaunang salita na nababaon na sa limot o nalilipasan na ng panahon.
 
Napatunayan ito sa ginawang eksperimento ng GMA News sa Pandacan, Maynila, sa mismong harapan ng bantayog ng batikang makata at manunula na si Francisco Balagtas, na siyang nasa likod ng epikong "Florante at Laura."
 
Dito, ilang residente ang sinubukan kung alam pa nila ang kahulugan ng mga sumusunod na lumang salita:
 

papagayo (saranggola na hugis ibon)
 
alimpuyok (amoy o singaw ng kanin na nasusunog)
 
salakat (pag-krus ng mga binti)
 
anlowage (tao na gumagawa ng mga estruktura o kasangkapan na ginamitan ng kawayan o tabla)
 
Sa mga natanong, isa lang ang nakasagot ng tama – ang 74-anyos na si Mang Ruben Basilo.
 
Ayon kay Mang Ruben,  bagaman ginagamit pa ang nabanggit na mga salita, marami na rin umano ang hindi na alam ang kahulugan ng mga ito, lalo na ang mga kabataan.

Nawawala sa sirkulasyon
 
Ang hindi paggamit ng ilang salitang Pinoy ay inihalintulad ni National Artist for Literature Virgilio Almario sa pera na nawawala sa sirkulasyon.
 
"Hindi naman namamatay 'yon kaya lang hindi nagagamit, hindi in currency," paliwanag ni Almario na siyang pinuno ngayon ng Komisyon ng Wikang Filipino.
 
"Parang fashion lang 'yan, uso-uso. Kapag hindi nagbago ang lengguwahe at hindi sumunod sa uso, mamamatay (ito)," dagdag niya.
 
Sinabi pa ni Almario na buhay ang wika kapag nakasasabay ito at bumabagay sa tawag ng panahon.
 
Paliwanag naman ni Prof. April Perez, ng University of the Philippines-Filipino Department,  malaki rin ang nagagawa ng teknolohiya at modernisasyon sa paggamit ng ilang salita.
 
Aniya, higit na akma na gamitin ang mga salita na may kinalaman sa modernong panahon at mas nauunawaan ng mas malaking bahagi ng populasyon
 
Kabilang na marahil ng pagbabagong ito ang pag-usbong ng ilang salita na likha ng mga ilang mga pangkat ng ating lipunan, tulad ng "bekimon" ng mga gay at ang tinatawag na mga "jejemon."
 
Paliwanag ni Almario, natural lang sa mga pangkat na ito na mag-imbento ng sarili nilang salita para hindi maunawaan ng iba.
 
Hindi naman daw ito dapat ikabahala dahil kung tutuusin, maaari pa nga raw nakatutulong ang mga ganitong nauusong lengguwahe sa pagpapayabong ng wika kapag lumaganap at natanggap ng marami.
 
Magbago man ang bokabolaryo ng mga Pinoy sa paglipas ng panahon; maluma man ang ilang salita dahil may bagong umusbong, patunay lamang ito na buhay na buhay at masigla ang ating wika.
 
Higit sa lahat, ang mahalaga ay hindi nagbabago ang layunin nito sa ating mga Filipino.  At iyan ay pagbuklurin tayo bilang isang bansang malaya, na may sariling wika.

Sa lilim ng malukay at patuloy na yumayabong nating kasaysayan, tayo'y pinagbubuklod ng ating wika na naging daluyan ng maka-Pilipinong diwa at kamalayan. LBG, GMA News