ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

‘Greatest Escape’: Mga Pinoy, nailigtas matapos ang 7-oras na bakbakan sa Golan Heights


Nakatakas ang tropa ng mga Pilipinong tumatayo bilang peacekeepers ng United Nations sa Golan Heights matapos ang halos pitong oras ng pakikipagsagupa sa mga rebeldeng Syrian, ayon sa Armed Forces of the Philippines nitong Linggo.

Ayon sa isang ulat mula kay Rodil Vega ng dzBB, sinamantala ng mga Pilipinong peacekeeper ang pagpapahinga ng mga rebeldeng Syrian upang maisagawa ang kanilang pagtakas.

"You could call it the greatest escape. Although they were surrounded and outnumbered, they held their ground for seven hours," ani AFP chief of staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. sa isang press conference nitong Linggo ng umaga.

Matapos ang sagupaan, nai-reposition na ang mga Pilipinong peacekeeper, ayon sa AFP.


Samantala, wala naman naiulat na nasawi o nasaktang sundalong Pilipino matapos ang labanan.

Sa isang pahayag, inilahad ni Catapang na umatake ang mga rebeldeng Syrian sa Position 68 noong Sabado, alas-11 ng umaga (oras sa Maynila) noong Sabado.

"Our troops defended their position. The Syrian rebels attacked on-board pick-up trucks. Our peacekeepers returned fire in self-defense. Our troops fought back bravely and successfully held their positions. This attack prompted UNDOF (United Nations Disengagement Observer Force) to reposition our troops to a more secure position within the mission area," aniya.

Dagdag pa niya, suportado ng gobyerno ng Syria at Israel ang mga sundalong Pilipino habang pinoprotektahan ang kanilang posisyon at gayon din sa pagpapahupa ng tensyon doon.

Pinuri naman ni Catapang ang "teamwork" na ipinamalas sa pagitan ng UN at ng iba pang tropa ng mga sundalong nasa ilalim ng UNDOF.

Nagawang makaalis ng mga Filipino peacekeeper sa kanilang posisyon, na inatake na nga mga rebeldeng Syrian, sa tulong ng mga sundalong Irish.

Ayon sa isang ulat sa Irish Times, "heroic Irish troops rescued Filipino soldiers who were being hunted by Syrian rebels."

Samantala, iginiit ni Catapang na nagkaroon din ng papel ang gobyerno ng Estados Unidos at Qatar sa pagliligtas at pangangalaga sa mga sundalong Pilipino doon.

Aniya, "Currently, Filipino peacekeepers from both Position 68 and 69 have successfully repositioned to Camp Ziuoani."

Sa ngayon, hindi mapapayagan ng AFP at UN na mailagay uli sa panganib ang mga Filipino peacekeeper habang ginaganpanan nila ang kanilang tungkulin.

"It is in our national interest to prioritize their safety without abandoning our commitment to international security," ayon kay Catapang.

"We commend our soldiers for exhibiting resolve even while under heavy fire. This manifests their determination to fulfill our commitment to the community of nations," dagdag pa niya.

Samantala, sa ulat ni Rodil Vega ng dzBB, inaasahan pa rin umanong mananatali ang mga peacekeeper sa Golan Heights hanggang sa matapos ang kanilang panunungkulan sa Oktubre, ayon naman kay AFP public affairs head Lt. Col. Ramon Zagala. — Bianca Rose Dabu /LBG, LGMA News