Pulis na namaril sa eskwelahan sa Pangasinan, humingi ng paumanhin
Nagsalita na ang pulis na suspek sa pamamaril sa isang eskwelahan sa Lingayen, Pangasinan kung saan apat katao ang nasawi, kabilang ang tatlong guro. Ayon sa pulis, nagdilim daw ang kaniyang paningin nang sabihin ng mga sinisingil niyang mga guro na nagbabayad naman daw ang ito sa kaniyang kolektor.
Sa ulat ni Hadji Rieta sa GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabi ni PO3 Domino Alipio na matinding sama ng loob bunga ng matagal na paniningil sa mga pautang sa mga guro ang nagtulak sa kaniya para magdilim ang paningin at namaril sa Pangasinan National High School noong Lunes.
Namatay sa naturang pamamaril ang kaniyang kolektor at tatlong guro. Tatlong iba pa ang nasugatan.
Ayon kay Alipio, ilang taon na raw na hindi nakakabayad ng utang sa kaniya ang mahigit 30 empleyado ng eskwelahan.
"Hindi ko po sinadya 'yon sa totoo lang. Ang dami naming dialogue diyan. Almost two years na po iyan na dialogue kaya napakasakit sa amin kasi yung nangyari," ani Alipio.
Dagdag pa ni Alipio, inutang lang daw niya sa AFPSLAI ang pera pero niloko lang umano siya.
Sinabi pa ng suspek, nagdilim daw ang paningin niya nang sabihin ng mga sinisingil niyang guro na nagbabayad naman sila sa kolektor nito.
Na-inquest na si Alipio kasama ang driver niyang si Oliver Gananin para sa four counts of murder at three counts ng frustrated murder.
Nagsisisi umano si Alipio sa kaniyang nagawa at humingi ng paumanhin sa mga kapwa-pulis at sa mga guro.
"Sa mga pulis pasensiya sa mga ano...sa mga teacher din na ano, sana po 'wag niyo na pong ulitan 'yan," pahayag nito.
Sa presinto ng Lingayen, nakaharap din ni Alipio at humingi siya ng paumanhin sa kapatid ng binaril niyang kolektor.
Ayon sa mga pulis, kilala nila si Alipio na palabating tao.
Samantala, nakiusap naman ang misis ni Alipio na huwag kaagad husgahan ang kaniyang mister at alamin ang dahilan sa likod ng nangyaring pamamaril.
Nakipagpulong na rin umano ang Department of Education sa Philippine National Police para sa epektibong pagpapatupad ng seguridad sa mga eskwelahan at maiwasan ang anumang krimen sa paaralan. -- FRJ, GMA News