Kompanyang gumawa sa Makati City Hall Bldg 2, nais paimbestigahan ng kongresista
Duda na rin umano ang Commission on Audit sa isinagawang bidding para sa pagpapatayo ng kontrobersiyal na Makati City Hall Building 2 kaya isasailalim na ito special audit. Pero iginiit naman ng administrador ng Makati na pumasa ang naturang proyekto sa nakaraang mga audit review at tiwala silang makakapasa muli ito sa gagawing pagsusuri.
Sa ulat ni Kara David sa GMA news 24 Oras nitong Biyernes, sinabing nais ni Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon, na paimbestigahan ang mga transaksiyon na pinasok ng Hilmarc's Construction Corporation, na siyang gumawa sa Makati City Hall 2 o Makati Parking Building.
Inaakusahan na overpriced umano ang naturang proyekto na ginastusan ng lokal na pamahalaan ng Makati ng P2.3 bilyon.
Basahin: Contractor for Makati City Hall Building II denies giving VP Binay kickbacks
Ayon sa kongresista, kailangang malaman ng Kongreso kung walang iregularidad na ginawa ang kumpanya sa mga kontratang nakuha sa gobyerno. At kung mapapatunayan na may mga paglabag na ginawa ang Philmarc's, dapat daw itong hindi na pasalihan sa anumang bidding na gagawin sa pamahalaan.
Sa pagdinig sa Senado nitong Huwebes, nalaman na ang Hilmarc's din ang contractor ng iba pang government buildings sa Makati.
Kabilang sa mga ginawa Hilmarc's ang isang gusali sa Ospital Ng Makati, Makati City Hall, University of Makati Nursing Building, at ang bagong tayong gusali ng Makati Science High School.
Sa naturang pagdinig sa Senado, sinabi ng dating miyembro ng bids & awards committee ng Makati na si Engr. Mario Hechanova, sadyang niluto daw nila ang mga bidding.
Basahin: Ex-official claims Binay gave Makati panel P200K monthly to rig bids
Pinapaboran daw nila ang Hilmarc's at alam daw nito ni noo'y mayor at ngayo'y vice president na si Jejomar Binay.
Duda rin umano ang Commission on Audit (COA) sa isinagawang bidding para sa Makati City Hall Building 2.
Ayon kay COA chairperson Grace Pulido-Tan, nakakapagtaka umano na napakabilis ng proseso sa ginawang bidding.
"Ang procurement process na nakatakda under [the] procurement act is siguro mga 130 plus days ang pinakamaikli na. Pero dito 2 months from bidding to awarding of contract, super bilis 'yon especially with this amount," pahayag ng opisyal sa panayam sa telepono.
Humingi ang GMA News ng panayam kay VP Binay pero tumanggi ito, ayon sa ulat.
Pero dati nang itinanggi ni VP Binay ang mga alegasyon at sinabing pulitika lamang ang nasa likod ng mga ito.
Ang city administrator ng Makati, nagpadala naman ng pahayag.
Nakasaad dito na pasado raw sa 10 audit review mula 2008 hanggang 2013 ang naturang proyekto. Kumpiyansa silang makakapasa muli ito sa anumang panibagong pagsusuri na gagawin.
Subalit paliwanag ng COA, technical report lamang ng mga engineer ang kanilang isinagawa noon pero ang mismong proyekto hindi pa raw naisasalalim sa audit.
Dahil dito, magsasagawa ang COA ng special audit sa umano'y overpriced Makati City Parking Building 2.
Sinubukan ng GMA News pero nabigo na makuha ang panig ng Hilmarc's Corp.
Gayunman, nauna nang iginiit ng Hilmarc's sa pagdinig ng Senado na above-board ang lahat ng kanilang napanalunang kontrata sa Makati.
Sinabi rin ni Atty. Rogelio Peig, AVP for Legal ng Hilmarc's, na wala silang nilagyan sa bidding at dumaan sila sa tamang proseso. -- FRJ, GMA News