ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Libu-libong food packs ng DSWD para sa mga biktima ng Yolanda, napanis lang – COA


Libu-libong food packs na nagkakahalaga ng ilang milyong piso ang napanis lamang, ayon sa ulat ng Commission on Audit ukol sa Yolanda relief operations. Para sana ito sa mga biktima ng bagyong Yolanda na nakaapekto sa maraming Pilipino noong nakaraang taon.
 
Ayon sa report na nakalathala sa website ng COA, kabilang sa mga nasayang na donasyon dahil sa kapabayaan ang 7,527 family food packs na nagkakahalagang P2.7 milyon; 95,472 assorted canned goods; 81 pakete ng noodles; and, 21 sako ng bigas. Karamihan dito ay para sana sa mga nasalanta sa Gitna at Silangang Visayas.
 
Ibinunton naman ang sisi sa kakulangan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, na naging sanhi ng pagkakaantala sa pamamahagi ng food packs.
 
"Procured supplies intended for relief operations have not been fully delivered by the suppliers due to logistical gaps, such as lack of storage facility while awaiting repacking and eventual transport to affected areas and lack of delivery trucks," saad sa report.
 
Dagdag pa ng state auditors, nagdulot rin daw ng “logistical nightmare” sa DSWD ang paglalagay ng mga donasyon at relief goods sa warehouse.
 
Hindi rin napanagutan ang pagdidispatsa sa mga damaged goods at dented canned goods, na hindi kasama sa food packs.
 
"Relief distribution operations did not provide daily and periodic reporting on the results/status of its operations as well as accounting of funds received and its utilization given the huge funding, defeating the purpose of pinpointing responsibility and promoting accountability and transparency," ayon pa sa COA.
 
Bukod sa mga nasayang na relief goods, isinawalat rin ng COA na mayroon pang halos P700 milyong halaga ng donasyon mula sa local sources at $15 milyon (o halos P699 milyon) ang hinid pa nagagastos simula 31 Disyembre 2013.
 
Itinuro ring dahilan sa likod ng mga problema sa relief operations ang mahinang sistema ng pamahalaan sa pagtugon sa kalamidad, ayon sa state auditors.
 
Samantala, inamin naman ni Department of Social Welfare and Development Secreatry Corazon "Dinky" Soliman sa GMA News Online noong Linggo ng gabi na may mga pagkakataon talagang nasira o napanis ang mga relief goods.
 
Iginiit niyang dahil ito sa paglalagay sa warehouse, at dulot na rin ng mga aberya sa transportasyon.
 
Ayon sa naunang ulat, ilang truck ng naluma at nasirang relief goods ang itinambak at ibinaon sa isang open dumpsite sa Palo, Leyte.
 
Pinabulaanan naman ito ni Soliman. Aniya, isang sako ng assorted biscuits, 10 cups ng instant noodles at kalahating sako ng bigas lamang ang itinambak sa dumpsite.
 
Matatandaang binayo ng bagyong Yolanda ang gitnang bahagi ng Pilipinas noong Nobyembre 8, 2013, kung saan 6,300 katao ang nasawi at libo-libong pamilya ang nawalan ng tirahan, habang milyon-milyon pa rin ang nawawala. — Bianca Rose Dabu/RSJ, GMA News