Salt farm sa Bolinao, Pangasinan, dinadayo na rin ng mga turista
Papaano nga ba ginagawa ang asin? Ito ang mabibigyan ng kasagutan kapag bumisita sa salt farm sa Bolinao, Pangasinan na nagiging atraksiyon na sa mga turista.
Sa ulat ni Joyce Segui ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing may 50 taon nang pinagkukunan ng asin ang may 500 ektaryang salt farm sa Bolinao.
Sa mga salt pond kinukuha ng mga tauhan ng farm ang asin na idinadaan sa proseso hanggang sa maibenta sa merkado.
Pero bukod sa pagiging isang pagawaan ng asin, nagsisilbi na rin itong tourist destination ng Bolinao.
Ang mga turista na bumisita sa farm, nagkakaroon din ng pagkakataon na maranasan na sila mismo ang mag-harvest o humango ng asin.
Ilang hakbang naman mula sa mga salt pond, makikita ang 10 ektaryang salt lake. Atraksyon ang lawa sa dahil nasa 70 hanggang 75 Degree Celcius ang init ng tubig na kayang paglutuan ng itlog na nilaga.
Ang fashion designer na si Renee Salud, napahanga sa pamamasyal sa loob ng farm. Para umanong nasa labas ng bansa ang tanawin sa loob ng farm kaya sulit ang biyahe.
Panay din ang pakuha ng larawan ng mga tao sa salt mountain na tila iceberg ang itsura.
Ang salt farm sa Bolinao ang isa sa mga pinagmumulan ng iodized salt na ibinebenta sa buong bansa. -- FRJ, GMA News