Bikini open competition, bawal na sa Iloilo City
Dahil hindi raw disenteng kompetisyon at pinagmumulan pa ng gulo, isang ordinansa ang ipinasa ng lokal na pamahalaan ng Iloilo City upang ipagbawal ang pagdaraos ng mga bikini open competition.
Sa ulat ni Nenita Hobilla sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing ang mga lalabag sa ordinansa at maaaring makulong ng hanggang isang taon at multa na hanggang P5,000.
Kadalasang ginagawa ang mga bikini open competition sa mga barangay lalo na kung summer kung saan nagpapaligsahan sa pagandahan ng katawan ang mga kalahok at mai-promote ang healthy lifestyle.
Pero para sa mga nagsulong at sumuporta sa ordinansa, may iba pang makabuluhang patimpalak na maaaring ipalit sa bikini open.
Basahin: 4 katao, patay: Kasiyahan sa Iloilo, nauwi sa barilan
Maliban sa mga mag-oorganisa ng bikini open, sinabi sa ulat na puwede ring kasuhan at maparusahan ang mga lalahok sa kompetisyon.
Sinabi ni Konsehal Carlos Guarin, na minsan nang pinagmulan ng gulo ang bikini open sa barangay Takas na may mga namatay. -- FRJ, GMA News