Iniluwal na sanggol sa Cebu city, na nahulog umano sa sahig ng ospital
Iniimbestigahan ng isang ospital sa Cebu city ang ilan nilang duktor at nurse matapos silang ireklamo ng isang pamilya dahil sa pagkakahulog umano sa sahig ng isang bagong silang na sanggol sa labor room.
Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA-Cebu sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabing ang insidente ay naganap sa labor room ng Vicente Sotto Memorial Medical Center.
Reklamo pa ng mister ng ginang na nagsilang, hindi rin umano inasikaso sa ospital ang kaniyang misis habang nagla-labor ito kaya nahulog ang bata sa sahig noong Huwebes.
"Gusto sana naming mangyari, i-check up nila ('yong sanggol)... sana wala nang bayad kasi hindi naman namin kasalanan na nahulog (ang bata)," anang mister.
"Nilabas na siya (ina) ng labor room papunta siya sa ward. Sinabi niya (ina) sa amin na nahulog 'tong bata, nag-alala siya nahulog yung baby. Sabi niya magtanong-tanong ka naman, paano nangyari 'yon," kwento ng isang kaanak.
Gayunman, itinanggi ng pamunuan ng ospital ang paratang. Wala naman daw nakitang sanggol na nahulog sa labor room.
Mismong ang nurse supervisor pa raw ng ospital ang nag-asikaso sa mag-ina at maayos naman daw ang lagay ng mga ito.
Sa kabila nito, magsasagawa raw ng imbestigasyon ang ospital sa mga attending doctor at nurse para malaman kung ano ang totoong nangyari.
Nakatakdang ilabas ang resulta ng imbestigasyon sa susunod na linggo. -- FRJ, GMA News