Dapat bang bigyan ng emergency power si PNoy dahil sa umano'y power crisis sa 2015?
Bago umalis patungong Europa noong Sabado, nagpadala muna si Pangulong Benigno "Noynoy Aquino III ng sulat sa Kongreso para humihingi ng emergency power kaugnay ng nakaamba umanong krisis sa enerhiya sa susunod na taon.
Sa kanyang sulat kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at Senate President Franklin Drilon, hiniling ng pangulo na magpasa ng isang joint resolution ang Kamara at Senado upang mabigyan siya ng kapangyarihang pumasok sa mga kontrata sa pagkukunan ng karagdagang suplay ng enerhiya.
Sa isang text message, sinabi ni Belmonte na nasa energy committee na ng Kamara ang nasabing sulat.
Nauna nang sinabi ni Energy Secretary Petilla sa pagdalo niya ng isang pagdinig sa Senado na kailangan ng gobyerno ng P6 bilyon para madagdagan ang suplay ng kuryente sa Luzon.
Aniya, kukunin ang pondo mula sa kita ng gobyerno sa Malapampaya.
Ayon sa kahilim, nahaharap ang bansa sa "critical electricity situation" sa 2015 dahil sa inaasahang El Niño phenomenon, aberya sa mga power plant, at delay sa mga kontrata sa pagtatayo ng mga planta.
Ginamit ng Pangulo ang Section 71 o Electric Power Crisis Provision ng Republic Act 9136 o mas kilala bilang EPIRA (Electric Power Industry Reform Act) bilang batayan sa kaniyang sulat sa Kongreso.
"This authority is needed in order to address the imminent shortage of electric power for the summer of 2015 in Luzon," ani Aquino.
Nauna nang inirekomenda ni Petilla sa Pangulo na magdeklara ng state of national emergency dahil sa inaasahang malawakang problem sa kuryente sa susunod na taon.
Inihayag naman ni Belmonte na inatasan nito ang House committee on energy na pinamumunuan ni Oriental Rep. Reynaldo Umali na bumalangkas ng nasabing resolusyon na hinihiling ni Aquino.
Pero paglilinaw ng lider ng Kamara, hindi naman talaga matatawag na emergency power ang hinihingi ni Aquino.
“This is provided for in the EPIRA (Electric Power Industry Reform Act), not really an emergency power,” ani Belmonte.
Tiniyak naman ni Umali na maipapasa nila ang resolusyon bago matapos ang Oktubre.
“We will have to consider that, kami naman we are ever suppportive of the President. The President won’t ask that if he doesn’t need it,” ayon sa mambabatas.
Ayon kay Umali, tinatayang na P1 bilyon ang gastos para sa pagkontrata sa power company ng hanggang 100 MW. Karaniwan umanong dalawang taon ang pinakamababang kontrata para sa pag-upa sa power companies.
“No contractor will allow the lease for only a few months since they will have to build plants. Secretary Petilla has clarified that the minimum leas period [for generating additional capacity] will be two years,” paliwanag ng kongresista.
Samantala, nagbabala naman sa kaniyang mga kapwa kongresista si Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, lider ng independent bloc sa Kamara, na masusing pag-aralan at huwag magpadalos-dalos sa pag-apruba sa resolusyong hinihingi ng pangulo.
“This is a very serious matter that Congress should address with caution. The concerned government officials should back the necessity of giving emergency powers to the President,” ani Romualdez.
Nagpahayag naman si Sen. Serge Osmeña, chairman ng Senate energy committee, na masusing pag-aaralan ang usapin upang hindi na umano maulit ang nangyari noong 1992 nang payagan si dating Pangulong Fidel Ramos na pumasok sa independent power producers.
"Hindi naman basta-basta na magbibigay kami ng power, ng emergency powers. Alam naman natin ang nangyari nung 1992, hindi ba? So, we have to be very careful about what type of powers we will extend to them," anang senador.
Dagdag pa niya, kailangan din umano nilang matiyak ang halagang ipapasa sa publiko.
"We want to make sure that the people know what the price will be. And I am expecting the price will be as high as P15/kwh, baka umabot pa ng P20/kwh. So, gusto ko malaman sang-ayon ba sila dun," ayon kay Osmeña.
Pero para sa militanteng grupo, ang pagbasura sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) ang solusyon sa nakaambang krisis sa enerhiya at hindi pagkakaloob ng emergency power kay Aquino.
"Fidel Ramos, when he used it and locked-in the country in IPP [ independent power producer ] contracts that to this day the Filipino people are paying for in high electricity rates; and Gloria Arroyo, when she wielded emergency powers to preserve her fraudulently-acquired presidency in the 2004 elections. During both times, emergency powers did not serve the people’s interest and welfare at all,” pahayag ni Leody de Guzman, presidente ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).
Ganito rin ang posisyon ng Metro Manila Vendors Alliance na nagsabing bigo ang EPIRA na mapababa ang singil sa kuryente at matiyak ang suplay ng enerhiya 10 taon mula nang maaprubahan ng Kongreso ang nasabing batas. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News