P409-milyong halaga ng pananim at mga alagang hayop, napinsala ng bagyong 'Luis'
Daan-daang milyong halaga ng pananim at mga alagang hayop ang nasalanta sa ilang araw na pag-ulan at malakas na hangin ng bagyong "Luis" sa Luzon.
Base sa inisyal na tala ng Department of Agriculture, umabot sa P409.67 milyong halaga ang naging pinsala ng bagyo sa mga pananim at mga alagang hayop. Gayunman, hindi naman daw nito maaapektuhan ang pangkahalatang produksyon sa bansa.
Sa datos ng DA, nasa P270.27 milyong halaga ang napinsalang palay, P134.81 milyon sa mais, P4.44 milyong sa gulay, at P140,000 naman sa mga alagang hayop.
Ayon kay DA undersecretary Emerson Palad, tataas pa ang halaga sa pinsala ng mga pananim na naapektuhan ng bagyo dahil hindi pa nakakasama ang datos sa pangingisda at iba pang sektor ng agrikultura.
Nasa 18 lalawigan ang nakapaloob sa datos ng DA na kinabibilangan ng Ifugao, Abra, Apayao, Benguet, Kalinga at Mountain Province sa Cordillera Administrative Region. Kasama rin ang Ilocos Norte, Ilocos Sur at Pangasinan sa Ilocos Region, Cagayan at Isabela sa Cagayan Valley, Aurora, Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga at Zambales sa Centra Luzon, at Camarines Sur sa Bicol.
Para matulungang makabangon ang mga magsasaka, sinabi ni Palad na kasalukuyang namimigay ang ahensya ng mga binhi ng palay sa mga apektadong magsasaka.
Sa lakas na 120 kph at pagbugsong umaabot sa 150 kph, hinagupit ng bagyong "Luis" ang Luzon nitong Linggo na nagdulot ng landslide, flashflood, at pagbaha sa iba't ibang lugar partikular na sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon at sa Cordillera.
Nawalan din ng kuryente ang ibang lugar sa bagyo. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News