Patay na sanggol na 'di kayang bigyan ng disenteng libing ng ama, ibinaon na lang sa bakanteng lote
Dahil daw sa kahirapan, inilagay na lang sa karton at ibinaon sa isang bakanteng lote ang isang bagong silang na sanggol na patay na nang iluwal ng kaniyang ina sa Cebu city.
Sa ulat ni GMA Cebu's Mark Anthony Bautista, sinabing nakuha ang mga labi ng sanggol sa loob ng isang karton sa isang bakanteng lote sa barangay Zapatera sa nabanggit na lungsod nitong Martes ng gabi.
Nakabalot pa ng surgical mat ang bata, at nakita malapit dito ang death certificate mula sa Vicente Sotto Memorial Medical Center.
Isang lalaki ang nakita sa lugar kaya kinuwestiyon siya ng mga barangay official.
"Noong tinanong ko na ang pangalan, concerned (citizen) lang daw siya kaya inalarma namin ang mga barangay tanod. Binuksan namin (ang karton). Tinakpan kasi ng mga bato at buhangin," pahayag ng barangay tanod na si Rogelio Quirogan.
Pag-aaral umano ng pulisya ang kasong isasampa sa lalaki dahil sa ginawa sa mga labi ng bata.
"Sasampahan natin ng kaso... magfo-follow up investigation tayo sa ospital para malaman natin ano ang totoo, kung doon ba galing," ani PO1 Michael Angelo Singson, homicide investigator ng Cebu City police.
Pagkaraan ng ilang oras, isang lalaki na nagpakilalang ama ng sanggol ang umako sa responsibilidad sa pagpapalibing sa bata sa bakanteng lote.
Ipinaliwanag nito na wala siyang pera para mabigyan ng disenteng libing ang pumanaw na anak.
Dagdag ng ama, ang ospital daw ang nasabi na kailangan na nitong ilabas ang bangkay ng sanggol kaya kinuha niya sa morgue noong Martes.
Lumitaw na premature ang bata dahil sa Nobyembre pa sana ito dapat lumabas sa sinapupunan ng ina. Ito sana ang ika-pitong anak ng mag-asawa.
Paliwanag ng lalaki, naghanap naman siya ng libingan para sa anak pero hinihingan daw siya ng P5,000 sa sementeryo na kaniyang pinuntahan at hindi niya ito kayang ibigay.
"Patay naman 'yan sa tiyan pa ng asawa ko. Doon ko sana ipapalibing sa Consolacion sa pamilya ng asawa ko ngunit wala sila doon," paliwanag ng ama. — FRJ, GMA News