Bakit nga ba maagang nagdalaga ang 5-anyos na babae sa Benguet?
Sa Buguias, Benguet, isang limang-taong-gulang na babae ang maagang nagdalaga. Bukod sa paglaki ng kaniyang dibdib, mayroon na rin siyang regular na buwanang dalaw. Alamin kung anong kondisyon mayroon ang bata at kung papaano siya matutulungan.
Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Martes, ipinalabas ang kakaibang kondisyon ng 5-anyos na babae na itinago sa pangalang "Strawberry."
WATCH: 5-anyos na babae, may buwanang dalaw na
Sakabila ng mura niyang edad, nakitaan na ang paglaki ng kaniyang dibdib, at nagkaroon na rin siya ng regular na buwanang dalaw, na para sa mga babae ay karaniwang nangyayari pagsapit sa edad na 12.
Sa pagpapatuloy ng kaniyang kuwento nitong Miyerkules, ipinakita ang malaking pagkakaiba ng pangangatawan ni "Strawberry" sa kaniyang mga kaklase sa paaralan.
Ayon sa kinder teacher na si Isabel Anong, magaling naman sa klase at madaling makipagkaibigan si Strawberry.
Ang mga magulang ng bata, hindi maalis na mangamba para sa anak kapag lumabas ito ng bahay na baka tuksuhin.
Sinamahan ng GMA News ang pamilya ni Strawberry na lumuwas ng Maynila para maipasuri sa espesyalista ang bata.
At nang masuri siya sa pagamutan, nakita na sobra ang nililikhang estrogen ng kaniyang katawan na isang mahalagang "hormone" sa mga babae.
"Nung kinunan ng x-ray ang kaniyang brain, nakita nga a certain tumor o nodule was noted dun sa part ng brain. Mayroon siyang excess production ng estrogen," paliwanag ni Dra. Leilani Mercado-Asis, endocrinologist.
Kahit na kakaiba ang kondisyon ni Strawberry, mayroon naman itong lunas.
Sinabi ni Dra. Asis, may gamot na maaaring ibigay sa bata para makontrol ang dami ng nilikhang hormone ng kaniyang katawan.
Ayon sa ulat na may kamahalan ang gamot na kakailanganin ni Strawberry na hindi kakayanin ng mga magulang ng bata.
Pero sa tulong ng mga Kapuso na may magandang kalooban, maaaring makapamuhay bilang normal na bata si Strawberry.
Para sa donasyon, maaaring tumawag sa GMA Kapuso Foundaton Inc.: (632) 982-7777 loc. 9901- 9905 mula Lunes hanggang Biyernes, mula 9:00 am hanggang 6:00 pm. -- FRJ, GMA News