ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kampo ni Vhong Navarro, magsusumite ng panibagong CCTV footage vs Deniece, Lee camp


Umaapela ang kampo ng TV host-actor na si Vhong Navarro sa naging desisyon ng Taguig Regional Trial Court na payagang magpiyansa sina Cedric Lee, Simeon Raz, at Deniece Cornejo kaugnay ng nangyaring pambubugbog umano sa aktor noong nakaraang Enero.
 
Kasunod ng desisyon ng korte, naglagak kaagad ng tig-P500,000 piyansa sina Lee at Raz para sa kanilang temporary release order nitong Martes. Samantala, nakapagpiyansa na rin si Cornejo nitong Miyerkules ngunit hindi kaagad siya nabigyan ng release order dahil kulang ang kaniyang dokumento.
 
Ayon sa ulat ni Ian Cruz ng GMA News, maghahain ng motion for reconsideration ang kampo ni Navarro upang apela ang desisyon ng korte.
 
Maghahain din ang kampo ng aktor ng motion to inhibit laban kay Judge Paz Esperanza-Cortes ng Regional Trial Court Branch 271, dahil sa deklarasyon nito na kulang ang mga ebidensya laban sa mga akusado kaya pinayagang makapagpiyansa sa kasong serious illegal detention.
 


“It appears to me that the court said that there was admittedly a detention, but ang sabi ng korte, whether or not the detention is illegal is of doubt. But, amazingly enough, the matter of whether or not a rape had occurred, the court also said it is not yet to be determined. In other words, nothing happened,” ani Atty. Alma Mallonga, abogado ni Navarro.
 
Magsusumite raw ang kampo ng aktor ng CCTV footage na kuha noong Enero 22 sa poolside ng Ritz Tower sa Ayala Avenue, Makati, ilang oras bago nangyari ang umano'y pambubugbog kay Navarro sa condominium unit ni Cornejo.
 
Makikita sa nasabing footage sina Cornejo, Lee at Raz, kasama ang iba pang akusado na sina Ferdinand Guerrero at  Sajed “Jed” Fernandez Abuhijleh. Naroon din ang ilang hindi pa nakikilalang mga tao, kabilang ang isang lalaking nakasuot ng police uniform.
 
Ayon kay Atty. Christopher Capul, abogado ni Navarro, “Mga humigit kumulang isang oras po tumagal ang pagpupulong nila sa Ritz Tower. So kung ano yung pinag-usapan nila doon, malalaman natin na may kaugnayan 'yon doon sa nangyari a few hours after doon sa Forbes Road.”
 
Samantala, minaliit naman ni Atty. Salvador Panelo, abogado ni Cornejo, ang nasabing CCTV footage.
 
Ayon kay Panelo, walang mapapatunayan ang footage bukod sa magkakasama ang mga akusado.
 
Dagdag pa niya, “'Yung Ritz Condo Tower ay the usual hangout nung mga akusado, kasi yung isa sa kanila -- si Ferdie Guerrero, ay nakatira doon. The CCTV na ipe-presenta ng kabila will only prove na nandoon sila. It doesn't prove anything.” -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News