Kamaynilaan, mahigpit na binabantayan laban sa pagbabaha
Isinailalim na ngayon ang Kamaynilaan sa masugid na pagbabantay laban sa banta ng mga pagbaha matapos lumubog ang maraming mga lugar bunsod ng patuloy na buhos ng malakas na ulan na dala ng bagyong Mario at ng habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Biyernes.
Sa isang press breifing, hinimok ni Interior Secretary at NDRRMC vice chairperson Manuel Roxas II ang mga residente ng Metro Manila na maging alerto kahit unti-unti nang tumila ang ulan dahil maaari pa ring magtuloy-tuloy ang pagbabaha.
"Lahat ng accumulated na tubig sa taas eh bababa pa. So huwag tayo magwalang-bahala. Kahit [tumila] na ang ulan, mananatiling mataas ang tubig," aniya.
Patuloy na mino-monitor ng NDRRMC ang mga mabababang lugar sa Kamaynilaan, dagdag niya.
"More or less buong Kamaynilaan. Kung baga sa katawan ng tao, 'yung daluyan ng tubig parang veins and capillaries all over. Lahat ng daluyan ng tubig na ito, pinagmumulan ng baha," ayon kay Roxas bilang tugon niya sa kahilingan na tukuyin ang mga itinuturing na "areas of concern."
Dagdag pa niya, palaging ipinapaalam kay Pangulong Benigno Aquino III, na ngayon ay nasa Europe, ang sitwasyon sa Metro Manila.
Walang public storm signal warning sa Kamaynilaan, ngunit ayon sa PAGASA, hanggang tanghali nitong Biyernes, nakataas pa rin ang "red rainfall alert" dito. Tinatayang magpapatuloy ang malakas na ulan sa loob ng tatlong oras.
Binabahang mga lugar
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na lubog na sa baha ang Araneta Avenue, Bagong Silangan, at ilang mga lugar malapit sa Tullahan at Dario Rivers.
Sa isang ulat ng GMA News, sinabing abot hanggang second floor na ang tubig-baha sa ilang mga lugar sa Roxas District sa Quezon City, at isisanagawa ang agarang paglikas ng mga apektadong residente.
Samantala, inilikas din tungo sa mga evacuation center ang mga residente ng Bagong Silangan , ayon sa ulat Sherrie Ann Torres ng GMA News.
Dagdag pa ng ulat, isang 2-anyos na babae ang nalunod sa baha sa nasabing lungsod.
Sinimulan na ring magpakawala ng tubig ang La Mesa Dam sa Quezon City dakong 10:30 a.m. nang lumagpas sa spilling level na 80.15 meters ang tubig doon, at pumatak na sa 80.17 merters.
Batay sa ulat ng Philippine Information Agency, maraming lugar na ang apektado sa pag-apaw ng La Mesa Dam. Ang mga ito ay:
San Dionisio, Tatalon,
Mindanao Ave.,
Victoneta Ave.,
Macarthur Highway
- Malabon
- Navotas
Samantala, isinara ng Meralco umaga nitong Biyernes ang power supply sa apat sa lugar sa Quezon City na tinamaan ng lubhang pagbabaha. Ang mga ito ay ang: Roosevelt Avenue, Champaca Street in Roxas District, Scout Ojeda, at Old Samson Road sa Balintawak.
Sa Maynila, hindi madadaanan ang España Boulevard dahil sa baha.
Tiwala naman si Secretary Roxas na mabilis na humupa ang baha sa NCR ngayon kumpara sa pagbabaha ng mga nakaraang taon.
"Bagamat hindi natin maiiwasan ang pagbaha, makikita naman natin na humuhupa ang baha. Hindi tulad ng dati na tatlo o apat na araw at hanggang balikat ang baha," aniya.
Ayon naman kay Social Welfare Secretary Corazon Soliman, nakahanda na ang relief goods para sa mga evacuee sa mga local na pamahalaan sa Metro Manila.
Sitwasyon sa mga probinsya
Tumama sa kalupaan ang bagyong Mario sa dulo ng hilagang bahagi ng Cagayan province tanghali nitong Biyernes, ayon sa PAGASA.
Ayon sa weather bulletin nito, ang bagyong Mario ay may lakas ng hangin na aabot 85 kph at bugso na 100 kph.
Mga lugar sa ilalim ng Storm Signal No. 2:
Cagayan, kabilang na ang Calayan at Babuyan at Batanes Islands
Isabela
Kalinga
Apayao
Mountain Province
Abra
Ilocos Norte
Signal No. 1:
Aurora
Quirino
Nueva Vizcaya
Ifugao
Benguet
Ilocos Sur
La Union
Samantala, iniulat ng Philippine Coast Guard na aabot sa 440 katao ang stranded nitong Biyernes sa Batangas port.
Ayon naman sa PAGASA, nagpakawala na rin ng tubig ang Binga Dam sa Itogon, Benguet, matapos umabot sa 574.26 meters ang libel ng tubig doon.
Nakabukas na rin ang ilang spill gate ng Ipo at Bustos Dams sa Bulacan.
Aabot sa 38 na flights ang nakansela o na-divert dahil sa masamang panahon.
Maaga nitong Biyernes, sinuspinde ng Malacañang mga klase sa lahat ng livel ng lahat ng mga paaralan sa 19 lugar sa Luzon, kabilang na ang NCR.
Sinuspinde rin nito ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa NCR at sa 15 na mga probinsya.
Dakong alas-2 ng hapon nitong Biyernes, isinailalim sa state of calamity ang Marikina City upang mapabilis ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga residenteng apektado ng baha. — LBG, GMA News