Ilang lugar sa Cebu, nakaranas ng matinding pagbaha
Inilagay na sa state of calamity ang Cebu city dahil sa epektong dulot ng malakas na pag-ulan. Bukod sa pagbaha, ilang insidente rin ng pagguho ng lupa ang naranasan sa lalawigan tulad sa lungsod ng Talisay.
Sa ulat ni Mark Anthony Bautista ng GMA-Cebu sa GMA News TV's Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nagpatawag ng special session ang Konseho ng Cebu city para idineklara ang state of calamity.
Ginawa ito para magamit ang pondong nakalaan sa kalamidad para sa relief operations at pagkumpuni sa mga napinsala.
Bunga ng magdamag na pag-ulan, nagmistulang dagat ang mga kalsada sa Metro Cebu area.
Hindi nakaligtas ang ilang establisimyento at ilang opisinang pinasok ng tubig.
Mataas na baha ang sumalubong sa mga motorista sa Mandaue city.
May ilang sasakyan na tumirik matapos na sumuong sa baha.
Ang mga makatawid sa baha, problema naman ang nabasang makina at tubig na pumasok sa sasakyan.
Sa bayan ng Medellin, umapaw ang tubig sa Bangon creek kaya nalubog sa baha ang ilang pananim.
Landslide naman ang namerwisyo sa ilang kalsada sa lungsod ng Talisay.
Pinalikas din ang mga nakatira sa lugar na peligroso sa landslide. -- FRJ, GMA News