Ilocos Norte, patuloy na hinahagupit ni bagyong Mario
Lalo pang lumalakas ang hagupit ng bagyong "Mario" sa Ilocos Norte sa loob ng sampung oras mula kaninang hatinggabi na hindi inaasahan ng mga residente doon.
Sa panayam ni Benjie Alejandro sa dzBB Sabado ng umaga, nilinaw ni Gov. Imee Marcos na bagama’t hindi pa masyadong binabaha ang kanilang lugar, lalong lumalakas ang hangin kaya’t sinimulan na umano nila ang pagpapalikas sa mga residente.
“Kami’y nagpa-evacuate na. ‘Yung iba preventive evacuation, yung iba voluntary kasi natatakot na sila. Bumabagsak na ang pader ng mga bahay, nagliliparan na ang mga yero, ‘yung ibang dike at dam bumibigay na dahil sa dami ng tubig. We are anticipating a lot of flooding sa Paoay River,” aniya.
“Akala namin safe na safe na kami kahapon. Habang lubog na ang Metro Manila at Cebu, eh talagang good na good kami. Nang dumating ‘yung hatinggabi hanggang ngayon 'di pa kami pinapatawad ng ulan at hangin,” saad pa nito.
“Hindi pa rin kami nakakakita ng ganito kadaming ulan for a long, long time,” dagdag nito.
Pinipilit aniya nilang linisin ang mga daan dahil sa dami ng mga puno na natumba para mapuntahan at mabigyan ng tulong ang mga pamilya na labis na hinagupit ng bagyo.
Hirap din aniya na lumabas ang rescuers sa mga daan dahil sa mga nagkalat na yero at kahoy sa mga daan.
“Hirap ding lumabas ang mga ire-rescue dahil sa sobrang lakas ng hangin at wala na kaming kuryente kagabi pa,” aniya.
“Yung bayan ng Adams na nasa bundok sa tabi ng Pagudpod isolated na rin dahil nag-over flow na rin yung 2 tulay nila,” saad pa ng gobernadora.
Wala aniyang makapaniwala na magiging ganito kahaba ang hagupit ni ‘Mario’ sa lob ng 10 oras kaya’t hindi masyadong makakilos ang mga opisyal sa lalawigan.
“Hindi kami nagpa-flooding tulad ng Pangasinan at Candor pero ini-expexct ko dahil sa sa daming ulan na ibinagsak posibleng bahain din kami,” aniya.
“Sa barangay hall nakapwesto ang gamot, pagkain, engineering equipments at ibang gamit para sa paglilikas pero hindi maabot dahil nag-overflow na ang tubig sa ilog. Problema din naming kung paano aabutin ang malalayong lugar dahil masyadong risky,” saad pa nito.
Sa kabila nito ikinatuwa nito na wala pang naiuulat na casualty dahil sa bagyo kundi sa mga produktong pang-agrikultura.
Inaasahan na rin aniya na walang matitira sa mga produktong ito ng lalawigan at tataas ang presyo ng palay dahil tinangay na lahat ng aanihin.
“Isa pa naman kami sa mga probinsiya na nagsusuplay ng pagkain sa Metro Manila. ‘Yung mga lasona (bawang) kangkong lahat washout,” malungkot pa nitong pahayag.
Halos 70 porsiyento aniya ng produkto sa lalawigan ay ipinapakain sa Metro Manila.
Pilit din aniyang sinasagip ng mga tao sa lugar ang kanilang livestock o mga alagang hayop gaya ng baboy at baka dahil ito ang kayaman ng mga tao sa lalawigan.
Sa ngayon, aniya, wala pang estimate ng pinsala ng bagyo sa agriklutura at ari-arian sa lalawigan.
Ipinaalala din ni Marcos sa kaniyang mga kababayan na dapat zero casualty muna bago ang mga ani at iba pang bagay. “Mas mahalaga ang buhay.”
“Sobrang tapang ng mga Ilokano kaya sugod nang sugod sa panahong ganito….inaawat ko nga baka madale pa ng trouble, mahirap na,” aniya
“Pakisabi sa mga Ilokano na huwag masyadong matapang at huwag sugod nang sugod,” ayon kay Marcos. — Linda Bohol /LBG, GMA News