Suspek sa pagpatay sa ina ni Cherry Pie Picache, posibleng hindi lang isa, ayon sa pulisya
May sinusundan na umanong mga suspek ang kapulisan kaugnay sa pagpatay sa 75-anyos na ina ng aktres na si Cherry Pie Picache. Kasabay nito, naglabas na rin ng opisyal na pahayag ang pamilya sa nangyaring krimen nitong Biyernes sa Quezon City.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA news 24 Oras nitong Sabado, sinabi na ang Criminal Investigation Detection Unit ng Quezon City Police District ang may hawak sa kaso ng pagkamatay kay Gng. Zenaida Sison.
Natagpuan ang duguang bangkay ni Sison sa bahay nito sa Barangay Paligsahan, Quezon city nitong Biyernes ng gabi. (Basahin: Ina ni Cherry Pie Picache, pinaslang sa loob ng bahay sa Quezon City)
Kuwento ng kaibigan ni Cherry Pie na si Peter Serrano, pinuntahan ng aktres at drayber nito ang bahay ng biktima nang hindi ito sumasagot sa mga tawag.
Napag-alaman na mag-isa lamang naninirahan sa bahay ang biktima kaya lagi raw binibilinan ng aktes ang ina na ikandado palagi ang pinto ng bahay.
Ayon pa kay Serrano, inutusan ni Cherry Pie ang drayber na pumasok sa bahay at doon na nadiskubre ang nangyaring krimen.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pagnanakaw ang nakikita nilang motibo sa ginawang pagpatay sa ina ng aktres.
"May sinusundan nang suspects dito na nanggagaling sa mga iniinterview namin na witnesses...sa aming investigation, ang lumabas dito pagnanakawan yung biktima hanggang sa nauwi sa pagpatay," ayon kay Police Insp. Elmer Monsalve, hepe ng homicide section, QCPD.
Idinagdag ng pulisya na maaari umanong hindi lang isa ang gumawa ng krimen.
May posibilidad din na pinag-aralan ng mga ito ang loob ng bahay ng biktima.
Lumilitaw din umano sa panimulang imbestigasyon na sa kuwarto lang ng biktima nagnakaw ang mga salarin.
Kasalukuyan pang nagsasagawa ng imbentaryo ang pulisya sa mga gamit at halaga na nanakaw.
May nakita rin ang mga imbestigador na isang putol na kahoy at baretta de cabra na posible raw ginamit ng mga suspek.
Dagdag pa ni Monsalve, maaari ring kakilala ng biktima ang mga suspek. May mga sugat daw sa braso si Sison na senyales na nanlaban ito.
Patuloy namang ipinoproseso ng mga awtoridad ang mga nakalap na CCTV video kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon at pagkilala sa mga salarin.
Samantala, nakasaad sa inilabas na opisyal na pahayag ang pamilya ni Cherry Pie na pagtitiwala sila sa pulisya na malulutas nito ang krimen at mahuhuli ang salarin.
Nagpasalamat din sila sa mga tumulong at nakiramay sa kanilang pagdadalamhati. at hiniling nila na patuloy silang ipagdasal. -- FRJ, GMA News