ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ang nagwagi! 'Selfie' ang Salita Ng Taon para sa mga Pinoy


Ang "selfie" ang napiling "Salita ng Taon" sa idinaos na Sawikaan Pambansang Kumperensiya sa Wika na Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT) nitong Biyernes.

Sa ulat ng GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing runner-up naman ang mga salitang "endo," o ang pinaikling "end of contract" ng mga empleyado, at ang "Filipinas" na isinusulong na ipalit sa baybay ng pangalan ng bansa na Pilipinas.



Kasama rin sa 13 salita na naging nominado bilang Salita ng Taon ang "whistle-blower," "PDAF," "hashtag," "bossing," "storm-surge," "cctv," "peg," kalakal," "imba," at "riding in tandem."

Ayon kay National Artist Virgilio Almario, pinuno ng Komisyon ng Wikang Filipino, bakas ang bagong teknolohiya sa mga nominadong salita.

Sinabi sa ulat na may 100 delegado at mga hurado ang bumoto sa 2014 word of the year.

Makakasama ng ‘selfie’ sa listahan ng Salita ng Taon ang ‘wangwang’ (2012), ‘jejemon’ (2010), ‘miskol’ (2007), ‘lowbat’ (2006), ‘huweteng’ (2005), at ang ‘canvass’ (2004). —FRJ/YA, GMA News