Dedication day ng bunsong anak nina Manny at Jinkee Pacquiao, ipinagdiwang
Ipinagdiwang ng pamilya ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao nitong Linggo ang dedication day ng ikalimang anak nila ng asawang si Jinkee na si baby Israel.
Dumalo sa nasabing selebrasyon ang mga kasamahan at kaibigan ni Manny sa politika, sports, at maging sa showbiz.
Ayon sa ulat ng programang “Balitanghali” sa GMA News TV, naganap ang simpleng dedikasyon para kay baby Israel sa mismong bahay ni Pacman sa General Santos City.
Nagkaroon ng maikling church service bago ang dedication, at naghandog rin ng special number ang mga nakatatandang kapatid ni Israel na sina Jimuel, Michael, Princess, at Queen.
Hindi naman maitago ang kaligayahan ng mag-asawang Manny at Jinkee nang mai-dedicate na sa Panginoon ang kanilang bunsong anak.
Naroon din sa dedication day celebration ni baby Israel ang kanyang lola na si Dionisia kasama ang kanyang nobyong si Michael.
Kasama sa mga ninong at ninang ng bunsong anak ni Manny sina Gov. Chavit Singson, Sarangani Gov. Steve Chiongbian Solon, UNA Spokesperson Rep. Toby Tiangco, at GMA Vice President for Drama Productions Ms. Redgie Magno.
Hindi rin pinalagpas ng mga miyembro ng Team Kia-- kung saan head coach at player si Pacman-- ang selebrasyon sa kabila ng pagiging abala sa ensayo para sa paparating ng PBA season.
Dumalo rin ang spiritual mentor ni Manny na si Pastor Jeric Soriano kasama ang kanyang pamilya.
Bukas sasabak na si Pacman sa matinding training para sa laban nila ni Chris Algieri sa darating na Nobyembre. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News