4 na babaeng HS students, tadtad ng pasa ang mga hita at binti dahil daw sa hazing
Tadtad ng pasa ang binti at hita ang apat na menor de edad na babae nang dumulog sa pulisya matapos umanong isailalim sila sa hazing ng isang fraternity-sorority na nais nilang salihan sa Binmaley, Pangasinan.
Sa ulat ni Charmaine Alvarado ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabi ng mga biktima na tig-anim na palo raw ng makapal na paddle ang ipinalo sa kanila.
Naganap pa ang hazing sa Martes sa isang bakanteng bahay sa Barangay Naguilayan, sa bayan ng Binmaley.
Nakilala lang umano ng mga biktima ang mga miyembro ng naturang grupo sa pamamagitan ng text. Paliwanag ni Tina, isa sa mga biktima, hindi raw nila akalaing bahagi ng initiation ang hazing.
“Pinapunta po kami doon sa frat house nila, tapos hindi po namin inaasahan na yung frat po na ganun po yung gagawin sa amin, na yung paddle po (ay bahagi ng initiation). Akala namin pakikipagkaibigan lang. Nung dumating na po kami sa frat house, piniringan po kami tapos pinaddle na po kam,” anang biktima.
Nalaman lang ang hazing nang makita ng kanilang guro ang mga pasa at ipinatawag nito ang mga magulang ng mga bata. Dito na umamin at nagsumbong ang mga biktima.
Ayon sa mga biktima, may 15 lalaki at babae ang sangkot sa hazing pero hindi nila nakilala lahat nakapiring sila nang paluin.
Sa follow-up operation ng Binmaley Police, naaresto ang dalawang sangkot umano sa pananakit sa mga biktima. Nakuha rin ang paddle pinaniniwalaang ginamit sa hazing.
Kabilang sa mga nahuli si Bent Caolboy, 19-anyos, at miyembro umano ng Scouts Real Brotherhood, at isa pang menor de edad. Itinanggi naman ng dalawang suspek ang paratang sa kanila.
Napag-alaman ding hindi sila pumapasok sa paaralan ng mga biktima, ngunit patuloy pa rin ang pag-iimbestiga ng pamunuan nito.
Ayon kay Benedict Fernandez, guidance counselor ng paaralan, "Mahigpit na mahigpit pinagbabawal ang pagsama at pagbuo ng anumang fraternity o sorority sa labas man o sa loob, kung saan ang estudyante ay nasasaktan."
Inihahanda na ng pulisya ang kasong pwedeng isampa kay Caolboy, habang dadalhin naman sa DSWD ang menor de edad na dawit din sa hazing. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News
<iframe src="http://www.gmanetwork.com/news/evideo/220126/4-na-babaeng-hs-student-sa-pangasinan-biktima-umano-ng-hazing" width="640" height="380" frameborder="0"></iframe>