ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pamilya sa Pangasinan, maling tao ang naipalibing; kaanak na akalang patay na, buhay pa pala


Apat na buwan makaraang iyakan, paglamayan at ilibing ang inaakalang kaanak na namatay, natuklasan ng isang pamilya sa Lingayen, Pangasinan na buhay pa pala ito. Ang tanong ng pamilya ngayon, sino ang tao na kanilang ipinalibing at papaano nila mapapawalang-bisa ang death certificate ng kaanak nilang buhay pa pala.
 
Sa ulat ni Hazel Cawaing ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, idinulog ni Gng. Arcenia Salinel sa pulisya ng Lingayen ang problema niya tungkol sa anak na inakalang patay na pero buhay pa pala.

Napag-alaman na nitong nakaraang Mayo nang mawala ang anak ni Gng. Arcenia na si Fernando, 35-anyos. Sa nabanggit ding buwan, isang bangkay ng lalaki ang nakitang naagnas sa Agno river.



Hindi na makilala ang hitsura ng bangkay pero inakala ni Gng. Arcenia na anak niya ito dahil gaya ni Fernando ay wala ring ngipin sa harapan ang lalaki.

Dahil dito, iniuwi nila ang bangkay, pinaglamayan at inilibing.

Pero nitong nakaraang linggo, isang kalugar nila ang nagsabing nakita nitong buhay si Fernando sa Pampanga.

Hindi agad naniwala ang pamilya Salinel pero nakumpirma nilang totoong buhay si Fernando nang puntahan nila ito sa Pampanga.

Dahil nangyari, muling magsasagawa ng pagsisiyasat ang pulisya para malaman kung sino ang bangkay na ipinalibing ng pamilya Salinel.

Magsisilbi rin daw aral ang nangyari na dapat mabusising mabuti ang bangkay para makilala at hindi dapat iasa lamang sa panlabas na anyo.

Samantala, problema rin ngayon ng pamilya Salinel kung papaano mababawi o mapapawang-bisa ang death certificate na nakuha nila sa National Statistics Office para kay Fernando.

Payo ng NSO, kailangan dumaan sa legal na proseso ang pagbawi sa death certificate kaya dapat maghain ng petisyon sa korte ang pamilya Salinel upang makansela ang death certificate na ipinalabas para kay Fernando.

Nanawagan naman si Aling Arcenia sa sinumang pamilya na nawawalan ng kaanak na lalaki na puntahan ang bangkay na kanilang naipalibing. -- FRJ, GMA News