Bahay na kinalakihan ni ex-Pres. Arroyo sa Iligan, isa ng tourist spot
Matapos ideklara bilang heritage house noong 2002, isa ng tourist spot ang Macaraeg-Macapagal House sa Iligan, kung saan lumaki si dating pangulo at kasalukuyang Pampanga representative Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon sa ulat ni Joe Legaspina ng GMA Northern Mindanao, 1950 nang ipatayo ng pamilya ni dating first lady Evangeline Macaraeg, at asawa nitong si dating pangulong Diosdado Macapagal ang naturang bahay sa Buruan, Iligan City.
Sa kabila ng pagsailalim sa renovation, nananatili ang orihinal na hitsura ng bahay kaya naman dinarayo ito ng mga turista.
Kuwento ni Virgilio Vicente, caretaker ng bahay, “Na-repair na talaga ang mga ito. 'Yung mga nasira na 'yong pinapalitan pero the same lang ang design.”
Mayroong tatlong kuwarto ang bahay na kinabibilangan ng isang kuwarto para sa lolo at lola ng mag-asawang Macapagal. Ang isa naman ay kuwarto at opisina ni Diosdado Macapagal, habang nakalaan ang isa pang kuwarto para sa kanilang anak na si Gloria.
Matatagpuan rin sa lupain ang dating playhouse at manika ng dating pangulo, maging ang mga larawan niya noong nasa elementarya sa St. Michael's College sa Iligan City.
Ipinaubaya ng pamilya Macapagal ang bahay sa lokal na pamahalaan noong 1994, at idineklara itong heritage house ng National Historical Institute noong 2002.
Bukod sa Macaraeg-Macapagal House, ipinagmamalaki rin ng Iligan ang Tinago Falls sa Barangay Ditucalan, kung saan kinakailangan munang bumaba ng hagdan na may halos 400 hakbang bago makarating sa talon.
Malamig at malinaw ang tubig sa talon na abot sa 70 talampakan ang taas. Maaari nang ma-enjoy ang naturang talon sa halagang P10 lamang. -- Bianca Rose Dabu/FRJ/KG, GMA News