Larawan ng malawak na lupain umano ni VP Binay sa Batangas, inilabas sa Senado
Iprinisenta ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Subcommittee nitong Miyerkules ang mga lawaran at aerial video footage ng 350-hectare property sa Rosario, Batangas na pag-aari umano ni Vice President Jejomar Binay.
Bago nito, nagdesisyon muna ang mga kasapi ng Senate blue ribbon subcommittee na pinamumuan ni Senador Aquilino Pimentel III, upang tuluyang ibasura ang "jurisdictional challenge" na inihain ni Makati Mayor Jejomar Erwin Binay Jr.
Sa pahayag bago simulan ang pagdinig tungkol sa umano'y overpriced Makati City Hall Building II, sinalungat ni Pimentel, ang pananaw ni Mayor Binay na ang ginagawang imbestigasyon ay hindi "in aid of legislation."
Paliwanag ni Pimentel, ilang sa mga posibleng magawa nila dahil sa resulta ng imbestigasyon ay, "the mandatory videotaping of the bidding process, rotation of Commission on Audit personnel to prevent familiarization and camaraderie with the subject of their audit, rotation of members of the Bids and Awards Committee to prevent the same evil as that being prevented in COA, definition of presumption of overpricing, and implementation of one project, one ordinance policy." (Basahin: Senate panel junks Mayor Binay’s jurisdictional challenge with finality)
Mansiyon ng mga Binay?
Sa pagdinig, sinabi ni Mercado na ang Batangas property, na umano'y nagkakahalaga ng P1.2 bilyon, ay mayroong mansiyon at English formal garden, pool na katulad ng sa resort, 40-car garage at staff house, farm ng mga imported orchids, air-conditioned piggery, cock farm, man-made lagoon, at iba pang amenities o libangan.
(Isang slideshow ng umano'y 350-hectare property ni VP Jejomar Binay sa Rosario, Batangas ang ipinakita ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon subcommittee probe kaugnay ng sinasabing overpriced Makati City Hall Building II nitong Miyerkules, October 8. Kaagad namang itinanggi ng kampo ni Binay ang alegasyon.Benjie Castro)
Ilang oras bago ang pagdinig, itinanggi ng kampo ni Binay na pag-aari ng pangalawang pangulo ang naturang malawak na lupain sa Batangas, na lumabas din sa pahayagan nitong Miyerkules.
Upang maipakita kung gaano kalawak ang lupain, sinabi ni Mercado, dating kaalyado ng mga Binay, na ang Batangas property ay anim na beses ng sukat ng 58-hectare Luneta Park, 10 beses ang lawak ng Araneta Center sa Cubao, at kalahati ng buong San Juan City.
Sa pagtaya ni Mercado, sinabi nito na aabutin ng P4 milyon bawat buwan ang gastos sa maintenance o pangangalaga sa lupain, maliban pa sa sahod ng mga huwardiya at iba pang tauhan na umano'y pinapasahod ng Makati city government.
Nang tanungin ni Sen. Antonio Trillanes, naghain ng resolusyon para imbestigahan ang P2.7-bilyong Makati City Hall Building II, kung sigurado si Mercado na si VP Binay ang may-ari ng lupain, sumagot ang dating lokal na opisyal ng Makati, "101 percent sure."
“Siguro ay hindi lang 100 beses (ako nakapunta dyan). 1992 pa ako pumunta d'yan. Utusan po ako nun. Bata-bata po nila ako noong panahon na iyon,” pahayag ni Mercado, sinasabing kumalas ng alyansa sa mga Binay matapos hindi umano tumupad na usapan nila na siya ang susunod na alkalde ng lungsod noong 2010.
Ayon pa kay Mercado, unang nabili umano ang lupain sa Batangas sa halagang P10 per square meter.
Napaganda umano ang lugar sa tulong ng Hilmarc’s Construction Corporation, ang general contractor sa pagpapatayo ng kontrobersiyal na Makati City Hall building II.
Pahayag pa ng dating lokal na opisyal, ang lupain sa Batangas ang dahilan kaya pinapalobo umano ang presyo ng mga nakukuhang proyekto ng Hilmarc's sa Makati.
“Lahat ng development dun si [Engrineer Canlas] ang gumawa. Kaya lahat ng ginagawa niya sa Makati ay overpriced dahil dyan,” patungkol ni Mercado kay Engineer Efren Canlas, chairman of the board ng Hilmarc’s.
Wala pang pahayag ang mga opisyal ng Hilmarc's tungkol sa panibagong akusasyon ni Mercado.
Hindi kay VP Binay
Nitong Miyerkules, itinanggi ng tagapagsalita ni VP Binay na pag-aari ng pangalawang pangulo ang nine-hectare property sa bayan ng Rosario, Batangas.
Sa pahayag, sinabi ni Joey Salgado, media affairs chief ni Binay, na inaasahan na ng pangalawang pangulo na magpapakita ng larawan sa Senado ang kaniyang mga kritiko tungkol sa sinasabing malawak na lupain sa Batangas.
Gayunman, walang binanggit sa pahayag tungkol sa 350-hectare property na inilabas ni Mercado sa pagdinig.
"The detractors will show photos, aerial photos, of the said property, an amateurish attempt to do a repeat of the 'Purisima' expose," ani Salgado.
Ang tinutukoy ni Salgado ay ang umano'y mansiyon na pag-aari ni PNP chief Director-General Alan Purisima sa Nueva Ecija, na naging laman ng mga balita kamakailan.
Iginiit ni Purisima na hindi mansiyon, kung hindi ordinaryong bahay lamang ang nasa Nueva Ecija. Pinayagan din niya ang media na mapuntahan ang lugar.
Ayon pa kay Salgado, base sa corporate records, ang lessor ng Batangas property ay ang Sunchamp Real Estate Development Corporation, ang operator ng Sunchamp Agri-Tourism Park.
"The facilities and amenities mentioned by Mr. Mercado like the mansion, pool and garden are not owned by the Binays or JCB Farms. These were facilities and amenities constructed by the original owner, Mr. Laureano Gregorio, in the area where the farm is a lessee," saad sa pahayag.
Nauna nang itinanggi ng mga Binay ang paratang at iginiit na ang pagdinig sa Senado ay bahagi ng pulitika dahil sa deklarasyon ni VP Binay na tumakbong pangulo sa 2016 elections. — FRJ, GMA News